Teaching supply allowance ng public school teacher, itataas ng Senado

Teaching supply allowance ng public school teacher, itataas ng Senado

March 10, 2023 @ 10:26 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Isang panukalang batas na magtatakda ng sapat na teaching supply allowance sa lahat ng public school teachers sa buong bansa ang nakahain ngayon sa Senado upang maitaguyod at mapaunlad ang kalagayang pang-ekonomiya ng guro.

Layunin ng Senate Bill No., 1964 o ang Kabalikat sa Pagtuturo Act na tulungan ang public school teachers na maghatid ng dekalidad na edukasyon sa kanilang mag-aaral na nakabinbin ngayon sa ikalawang pagbasa matapos itong ihain sa plenaryo nitong Martes.

Magkakasanib na inihain ang naturang panukala ng Senate committees on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation; Basic Education; Ways and Means; at Finance sa pangunguna nina Senador Ramon Revilla Jr., Robinhood Padilla, Sonny Angara, Christopher Lawrence Go, Joseph Victor Ejercito, Jinggoy Estrada, Mark Villar, Ronald dela Rosa, Sherwin Gatchalian, at Senate Majority Leader Joel Villanueva bilang awtor.

Kapalit ang panukala ng SB 22, 94, 677, 1045, 1729, and 1831.

Sa ilalim ng panukala, lahat ng public school teachers ay bibigyan ng Teaching Supplies Allowance upang bumili ng kagamitan at materyales sa pagtuturo at implementayon o pagsasagawa ng iba’t-ibang learning delivery modalities.

Nakatakdang bigyan ang bawat guro ng halagang P7,500 para sa School Year 2023-2024; at P10,000 kada guro sa School Year 2024-2025 na tumaas nang malaki kumpara sa kasalukuyang P5,000 kada taon.

Magkakaroon ng pagbabago sa kasalukuyang halaga ng materyales at kagamitin kada tatlong taon upang tugunan ang pagbabago sa presyo nito at hindi papatawan ng income tax.

Ikakarga ang halaga sa taunang badyet ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng General Appropriations Act.

“The proposed bill grants all public school teachers engaged in teaching basic education curriculum, consistent with the learning modalities recognized by the DepEd, and will ensure that the teaching profession will attract and retain the best available talents through adequate remuneration and other means of job satisfaction and fulfillment,” ayon sa panukalang SB 1964. Ernie Reyes