Tech-Voc trainees, tinuruan ng entrepreneurship

Tech-Voc trainees, tinuruan ng entrepreneurship

August 9, 2018 @ 1:59 PM 4 years ago


 

Navotas – Sa kagustuhang magbigay ng komprehensibong pagkakatuto sa mga Navoteño, nagsagawa ang pamahalaang lungsod ng Navotas ng Entrepreneurship Seminar para sa 200 trainees ng Navotas Vocational Training And Assessment (NAVOTAAS) Institute.

Ang mga kalahok ay binigyan ng livelihood skills training at mga lecture kung paano makasali sa mga programang Tulong Puhunan at Tulong Negosyo ng pamahalaang lungsod. “Maliban sa mga technical and vocational training na nakaayon sa mga pamantayan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

“Gusto nating mabigyan ang mgaNavoteño ng kasanayan at kaalaman kung paano magsimula at magpatakbo ng sariling negosyo,” ayon kay Mayor John Rey Tiangco.

“Gusto natin silang magkaroon ng kumpyansa sa sarili na kaya nilang maging self-employed at magmay-ari ng negosyo para matustusan ang kanilang mga pangangailangan pati na ng kanilang pamilya,” dagdag niya.

Sa nakaraang mga taon, naitala ng Philippine Statistics Authority ang pagdami ng mga Micro, Small And Medium Enterprises (MSMEs), lalo na ang microenterprises.

Inaasahan naman ng Department of Trade and Industry na mas dadami at lalago pa ang mga maliliit na negosyo.

“Tapos na ang mga araw kung kailan ang pagtatrabaho sa mga kompanya lamang ang nakikitang paraan para magkaroon ng disenteng kabuhayan. Dapat samantalahin ng mga Navoteño ang pagkakaroon ngayon ng service-oriented consumers at umiigting na suporta sa mga negosyong lokal,” sabi pa ng alkalde.

Samantala, simula noong Hulyo, tuloy-tuloy na ang ginagawang NavoNegoSerye ng pamahalaang lungsod na naglalayong mabigyan ng oportunidad ang mga pamilyang kaunti lang ang kinikita pero naghahangad na makapagnegosyo.

Pinangunahan ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco ang Entrepreneurship Seminar para sa 200 trainees ng Navotas Vocational Training And Assessment (NAVOTAAS) Institute. Ang mga kalahok ay binigyan ng livelihood skills training at mga lecture kung paano makasali sa mga programang Tulong Puhunan at Tulong Negosyo ng pamahalaang lungsod. Kung saan ay layunin ng pamahalaang lungsod na mabigyan ang mga Navoteño ng kasanayan at kaalaman kung paano magsimula at magpatakbo ng sariling negosyo. Jojo Rabulan

 

Ang mga seminar na ito ay isinasagawa sa mga kasulok-sulukan ng lungsod at dinadaluhan lamang ng 20 kalahok para matututukan ang kanilang mga tanong at hinaing.

Dagdag pa rito, kasalukuyang itinatayo ang dalawa pang training centers sa Brgy. Daanghari at Brgy. North Bay Boulevard South-Kaunlaran. Kasama sa ituturo rito ang mga kursong barista, wellness massage, animation, visual graphics, at iba pa.

Ngayong Agosto, naka-iskedyul ding sumailalim ang mga NAVOTAAS Institute trainees sa apat pang training at seminar tungkol sa Labor Education for Graduating Students, Employability Skills Training, Basic English Proficiency Seminar at Values Formation Seminar. (Roger Panizal)