Technical Working Group para sa SONA ni Pangulong Duterte, nag-meeting na

Technical Working Group para sa SONA ni Pangulong Duterte, nag-meeting na

July 11, 2018 @ 2:35 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Wala nang atrasan ang gagawing pagdi-direct ni box office TV and movie director na si Joyce Bernal sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa darating na Hulyo 23.

Sa katunayan ay nag-meeting na ang technical working group, RTVM at si Bb. Joyce Bernal bilang bahagi ng paghahanda sa SONA ni Pangulong Duterte.

Tumagal ng 2 oras ang nasabing meeting sa Coffee Project sa AllHome Depot ng Wil Tower Mall.

Magsasagawa naman ang grupo ni Bb. Joyce Bernal ng ocular inspection bukas, alas-2 ng hapon sa Kongreso.

Bago pa ito, pinanood naman ni Bb Joyce Bernal ang dalawang naunang SONA (2016 at 2017) ni Pangulong Duterte na parehong  idinirek ni Cannes’ Best Director winner na si Brillante Mendoza.

“Abangan ang mga pagbabago. Kung anuman ‘yong usual na pangyayari sa SONA. Ang Congress kasi, ang call.. limited ang shots dahil sa security. We also… limited ‘yung areas na puwedeng maging creative,” ayon kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Martin Andanar.

Sinabi pa niya na wala namang problema kay Director Brillante kung si Bb joyce Bernal na ang director ng SONA ng Pangulo.

Nag-message na aniya sila rito para ipaalam na hindi na siya ang magdi-direk ng ikatlong SONA ng Punong Ehekutibo at ang gusto na ng Pangulo ay si Bb Joyce Bernal.

Wala namang isyu ang Malakanyang kay Director Brillante at sa katunayan nga aniya ay satisfied sila sa mga gawa nito sa dalawang naunang SONA.

“Marami siyang mga shots sa 2 SONA na puwede mong magamit in the future especially creating documentaries about the President,” ani Sec. Andanar.

Sa ulat, si Robin Padilla, isang malapit na kaibigan ni Direk Joyce at  Pangulong Duterte ang nag-recommend sa TV and movie director na siyang mag-direk ng bagong SONA ng Pangulo na agad namang sinang-ayunan ng Chief Executive.

Samantala, hindi maikakaila na marami ang pumuna sa klase ng pagdidirek ni Direk Brillante sa dalawang naunang SONA ni Pangulong Duterte. (Kris Jose)