Teehankee, muling itinalaga bilang PH permanent representative sa WTO

Teehankee, muling itinalaga bilang PH permanent representative sa WTO

February 28, 2023 @ 3:00 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Muling itinalaga ni Pangulong  Ferdinand R. Marcos Jr. ang abogado at diplomat  na si Manuel Antonio Teehankee bilang kintawan ng Pilipinas sa  World Trade Organization (WTO) sa Geneva, Switzerland.

Ipinalabas ng  Presidential Communications Office (PCO) ang  listahan ng  bagong  Palace appointees kung saan kasama rito si Teehankee.

Buwan ng Disyembre ng nakaraang taon, ipinagpaliban ng  Commission on Appointments (CA) committee on foreign affairs ang deliberasyon ng  appointment ni Teehankee hanggang sa maisumite nito sa komite ang kopya ng  “Understanding on Agreed Procedures”, kapwa nilagdaan ng Pilipinas at Thailand  upang maayos na ang “trade disputes” sa pagitan ng dalawang bansa.

Hindi naman malinaw kung isinumite ni Teehankee ang dokumento.

Hulyo ng nakaraang taon nang italaga ni Pangulong Marcos si  Teehankee bilang Ambassador ng Pilipinas sa World Trade Organization.

Matatandaang itinalaga ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte si Teehankee sa WTO noong Nobyembre 2017.

Samantala, inanunsyo rin ni Pangulong  Marcos  ang appointees para sa Departments of Agriculture (DA), Information and Communications Technology (DICT), Labor and Employment (DOLE), and Trade and Industry (DTI), at maging sa  National Security Council (NSC).

Itinalaga ng Pangulo si  Andrew Rodolfo Orais  bilang DA Directors IV at Jose Elumba  bilang DA Directors III.

Pinangalanan naman ng Chief Executive si Frederick Amores bilang  DICT Director IV habang sina Sittie Rahma Alawi, Reynaldo Sy, at Jocelyn Tendenilla ay itinalaga bilang Director III.

Maliban sa mga ito, itinalaga rin ng Pangulo sina  Kenneth Chua at Milagros Ogalinda bilang mga miyembro ng National Tripartite Industrial Peace Council  ng DoLE kung saan tatayong kinatawan ng  employer’s sector si Chua  habang si Ogalinda naman sa labor sector.

Pinangalanan ng Pangulo si Leonila Baluyut bilang  Assistant Secretary ng  DTI.

Itinalaga rin ng Punong Ehekutibo sina Marlo Guloy at  Benjamin Madrigal Jr.  bilang Deputy Directors-General ng  NSC.

Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa ipinalalabas ng Malakanyang ang mga  appointment papers ng mga ito. Kris Jose