Teenage pregnancy ‘di hadlang para ‘di grumadweyt

Teenage pregnancy ‘di hadlang para ‘di grumadweyt

March 8, 2023 @ 3:36 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na hindi dapat maging hadlang ang teenage pregnancy para makapagtapos sa pag-aaral ang isang estudyante.

Aniya, may ginagawa namang iba’t ibang pamamaraan ang pamahalaan para maipagpatuloy nila ang pag-aaral.

Kasabay kasi ng pagdiriwang ng International Women’s Day, inalala ni Duterte ang pagbisita nito sa Pikit National High School sa North Cotabato, kung saan napag-alaman na nasa 63% lamang ng mga mag-aaral ang pumapasok sa eskwela.

Ayon kay Duterte, karamihan kasi sa mga babaeng estudyante nito ay buntis na dagdag pa sa takot ng iba sa umiiral na kaguluhan sa lugar.

Sa kabila ng pagkilala nito na pinakamahalaga ang pagpipigil sa pakikipagtalik, hinimok ni Duterte ang mga estudyante ‘sexually active’ na magpunta sa doktor at magkaroon ng prenatal care kung sila naman ay nabuntis.

Kasunod nito, iginiit ng Kalihim na hindi dapat maging hadlang sa pagpapatuloy ng kanilang pag-aaral ang pagbubuntis.

“You go to your principal, [and] you ask your principal, ‘What can you do for me? I am pregnant, but I want to continue my studies,’” aniya.

Maaari rin umanong pumasok sa Alternative Learning System (ALS) o kumuha ng skills training ang isang buntis na estudyante.

“DepEd is making sure that teenage mothers who have dropped out of formal school to take care of their children are provided with a second chance to finish [their] basic education and pursue their dreams through the Alternative Learning System or pursue technical skills training through our TESDA programs,” pagbabahagi pa ni Duterte.

Noong Enero, lumabas sa pag-aaral ng Commission on Population and Development (POPCOM) na mahigit 2,000 ang naitalang teenage pregnancy edad 10 hanggang 14 noong 2022.

Samantala, bumaba naman ang pregnancy rates sa mga Filipino edad 15 hanggang 19 sa 5.4% noong 2022 mula sa 8.6% noong 2017, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

“Naniniwala rin ako na kapag ang kababaihan sa isang komunidad ay nabigyan ng pagkakataon maging produktibo, kapag sila ay nabigyan ng edukasyon, at nagkaroon ng kapangyarihan ng kaalaman, at kapag sila ay nahasa na mamuno, kaya nilang baguhin ang mukha ng kanilang komunidad,” ani Duterte. RNT/JGC