Teenage pregnancy sa Region 2 tumaas sa pandemya

Teenage pregnancy sa Region 2 tumaas sa pandemya

April 8, 2021 @ 8:41 AM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

CAGAYAN VALLEY – Patuloy na binabantayan ng Commission on Population o PopCom Region 2 ang posibilidad na tumaas pa ang teenage pregnancy rate dahil sa pandemya.

Isa sa malaking rason na tinitignan ngayon ng PopCom sa pagtaas ng teenage pregnancy rate ay ang pagiging watak-watak ng pamilya at maagang pagkakaroon ng buwanang dalaw ng mga dalagita na nagdadala sa maagang pagkakaroon ng sexual awakening ng mga ito.

Mula sa datos ng Municipality and City Population Officers sa rehiyon, naitala na may malaking pagtaas ng teenage pregnancy sa probinsya ng Isabela na may 2.48% growth sa loob lamang ng dalawang taon.

Sinundan naman ito ng Nueva Vizcaya na may 2.47 % growth rate habang 0.5% lamang ang pagtaas sa mga probinsya ng Batanes, Cagayan at Quirino.

Sa datos ng nasabing ahensya, nanguna ang lungsod ng Ilagan sa buong lambak na may pinakamataas na kaso ng teenage pregnancy na may 2.19% habang 2.03% naman sa Santiago City, 1.41% sa Tuguegarao City at 1% sa Cauayan City.

Dahil dito, hinimok ni Regional Director Herita Macarubbo ang mga magulang na patnubayan ang kanilang mga anak, bigyan ito ng social protection, panatilihing bukas ang komunikasyon sa loob ng pamilya at hikayating tapusin muna ang pag-aaral bago ang pag-aasawa.

Kaugnay nito, pinayuhan ang mga kabataan na makilahok sa mga makabuluhang bagay gaya ng pagsali sa mga youth organization para may pagkaabalahan habang hinuhubog ang kanilang kakayahan. Rey Velasco


  •  
  •  
  •