Teenager arestado sa damo sa Malabon

Teenager arestado sa damo sa Malabon

January 23, 2023 @ 11:13 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Sa kulungan ang bagsak ng isang 18-anyos na factory worker na sangkot umano sa pagbebenta ng illegal na droga matapos matimbog ng pulisya sa buy-bust operation sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro ang naarestong suspek bilang si Dave Victor Talastas, (Pusher/Newly Identified) ng No. 15 Bronze Street Brgy. Tugatog.

Ayon kay Col. Daro, dakong alas-12:30 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Capt. Alexander Dela Cruz ng buy-bust operation sa Dr. Lascano St. corner Bronze St. Brgy. Tugatog, matapos ang natanggap na impormasyon na nagbebenta umano ng illegal na droga ang suspek.

Nagawang makipagtransaksyon ng isang undercover police sa suspek ng P200 halaga ng droga at nang tanggapin nito ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng marijuana ay agad siyang dinakip ng mga operatiba.

Nakumpiska sa suspek ang walong heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng humigi’t kumulang 30 grams ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na may standard drug price P3,600 at buy-bust money.

Ani PSSg Jerry Basungit, mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Boysan Buenaventura