Teenager dinampot sa boga, panggugulo sa Navotas

Teenager dinampot sa boga, panggugulo sa Navotas

March 14, 2023 @ 10:45 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Binitbit sa selda ang isang 19-anyos na lalaki na nanghiram ng tapang sa dalang baril nang dumayo pa upang manggulo at maghamon ng away sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Allan Umipig ang suspek na si Leo Boy Arogante, residente ng Brgy. Longos, Malabon City na nahaharap sa kasong Alarms and Scandal, Art 155 of RPC at Sec. 28, Art V, R.A. 10591, Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogelio Peñones Jr, sinabi ni Col. Umipig na nakatanggap ang mga tauhan ng Navotas Police Sub-Station 4 Kaunlaran ng report mula sa mga tanod na isang lalaki ang nanggugulo sa Block 34, Tabing-Ilog, Tumana, Brg. NBBS Dagat-Dagatan.

Kaagad rumesponde sa nasabing lugar ang mga pulis at naabutan nila ang suspek na nanggugulo at nagsisigaw dakong alas-2 ng madaling araw kaya inawat nila ito saka sinabuhan na umuwi na lamang.

Gayunman, nagpatuloy pa rin umano sa pagwawala ang suspek na naging dahilan upang arestuhin na siya nina P/SSgt. Jason Dela Cruz, P/Cpl. Bobby Agustin at Pat. Mathew Adriano.

Nang kapkapan, nakuha sa suspek ang isang hindi lisensiyadong kalibre .38 revolver na may kargang dalawang bala na nakasukbit sa kanyang baywang. Boysan Buenaventura