Teenager todas sa bahay ng barkada

Teenager todas sa bahay ng barkada

December 6, 2021 @ 6:30 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Patay ang isang lalaki matapos na barilin sa ulo ng hindi pa nakikilang gunman habang nasa loob ng bahay ng kanyang kaibigan sa lungsod ng Quezon, nitong Linggo ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Val Matthew Palasol, 18-anyos, may live-in partner, walang trabaho at residente ng Kangkungan St., Barangay Pasong Tamo, Q.C.

Base sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-10 ng gabi nitong Linggo nang maganap ang insidente sa No. 38 Calamansi St., Area 7B, Barangay Pasong Tamo, Q.C.

Sa imbestigasyon ni PCPL Jerome Mendez ng CIDU, pumunta umano si Palasol sa bahay ng barkada na si Gerald Arsua upang bisitahin ito.

Pero ilang minuto lang ang nakalilipas nang biglang pumasok ang isang hindi kilalang lalaki na armado ng baril at walang sabi-sabing pinaputukan sa ulo ang biktima.

Nang duguang bumagsak ang biktima ay kaswal na naglakad lang ang suspek papatakas habang bitbit ang armas na ginamit sa pamamaslang.

Agad na isinugod sa Quezon City General Hospital ang biktima subalit idineklara itong dead on arrival alas-11:35 ng gabi.

Nakasamsam naman ang mga awtoridad ng isang fired cartridge case ng caliber 9mm.

Patuloy ang pagsisiyasat ng kapulisan sa pangyayari at inaalam nila kung ano ang motibo sa pamamaslang sa biktima. Jan Sinocruz