Telcos maglalagay ng booth para sa SIM registration – NTC consultant

Telcos maglalagay ng booth para sa SIM registration – NTC consultant

December 15, 2022 @ 5:12 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Maglalagay ang telecommunications companies ng booths para sa subscribers na walang internet access o smartphones subalit kailangang iparehistro ang kanilang Subsciber Identity Module (SIM) sa ilalim ng bagong batas na naglalayon na pigilan ang cybercrime at mobile phone-based scams.

“They will put up business centers, yes, pwede po doon (they can register there),” ani National Telecommunications Commission (NTC) consultant Edgar Cabarios nang tanungin kung online lamang ang registration alinsunod sa nakasaad sa implementing rules and regulations (IRR) ng SIM Registration Act.

Batay sa IRR ng bagong batas, inaatasan ang mga ahensya gaya ng NTC, Departments of Information and Communications, Interior and Local Government, at Education, maging telcos, na pangasiwaan ang rehistrasyon sa malalayong lugar.

Ikakasa ang registration facilities sa mga nasabing lugar sa loob ng 60 araw mula sa effectivity ng batas sa December 27.

“Kailangan ho online,” paliwanag niya. “Dapat ho iwasan kasi yung data mo mapunta sa iba. Hindi po pupwedeng ganon. Delikado po kasi. Personal information, or personal data that can be used ng mga masasamang loob.”

Sinabi pa ni Cabarios na dapat subscribers mismo ang mag-fill out ng kanilang form, maliban sa mga mangangailangan ng assistance gaya ng senior citizens, at persons with disabilities.

Sa kaso nila, dapat na mapagkakatiwalaan ang indibidwal na aasiste sa subscriber, dagdag niya.

Para naman sa mga walang smartphones, sinabi ni Cabarios maa-access ang registration link sa computers o laptops.

Sinabi ng dating NTC deputy commissioner na hanggang 160 million SIMs ang inaasahang iparerehistro, prepaid at postpaid.

Tiniyak din niya na handa ang telco companies para sa registration process, na gugulong sa loob ng anim na buwan at ie-extend nang hanggang 120 araw. RNT/SA