Teodoro sa DPWH: Bitak sa Marikina Bridge ayusin agad

Teodoro sa DPWH: Bitak sa Marikina Bridge ayusin agad

January 12, 2023 @ 11:36 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nanawagan si Marikina Mayor Marcy Teodoro sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na agad na ayusin ang mga bitak sa Marikina Bridge na naiulat na dulot ng flood interceptor project ng ahensya.

“The several meter long crack appearing on the side of the bridge is a serious safety issue that may risk public safety and convenience affecting the welfare of the community,” saad sa sulat ni Teodoro sa DPWH.

Idinagdag nito na ang DPWH ay maaaring humarap sa mga kaso kung walang konkreto at agarang aksyon.

Sa panayam ng CNN Philippines sinabi ni Teodoro na dapat ilabas ng DPWH ang geotechnical survey report para malaman ng gobyerno ang sanhi ng crack, kondisyon ng tulay, at mga kailangang repair works.

“Ngayon, dine-demand namin na maisagawa na agad ‘yung retaining wall na bumagsak doon sa foundation ng tulay para hindi na ito patuloy na humupa,” anang alkalde.

Ang crack na natagpuan noong Enero 6 ay naiulat na sanhi ng paghuhukay sa malalim na pundasyon ng Sumulong Flood Interceptor project ng DPWH.

Sinabi ni Teodoro na ang mga pansamantalang hakbang tulad ng shoring o paglalagay ng pile drive at pagpuno ng buhangin ay makakatulong na maiwasan ang karagdagang pagguho.

Dagdag pa niya, hinihintay ng lokal na pamahalaan ang pinal na rekomendasyon at ang iskedyul ng pagwawasto dahil sinuri na ng DPWH ang integridad ng tulay.

Bagama’t bukas ang ilang bahagi ng tulay, ini-redirect ang mga heavy cargo truck upang dumaan sa Fernando Avenue o Tumana Bridge.

Ayon kay Teodoro, nasa 150,000 hanggang 200,000 na sasakyan ang dumadaan araw-araw sa Marikina Bridge, na kumukonekta sa ilang bahagi ng Rizal at Aurora Ave at Cubao sa Quezon City. RNT