Manila, Philippines – Pinasalamatan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte si Malaysian Prime Minister Mahathir Mohamad para sa imbitasyon nito na bisitahin ang Kuala Lumpur at mabigyan ng pagkakataon na mapag-usapan ang ilang mahahalagang bagay na kapuwa may interest ang Pilipinas at Malaysia.
Partikular na binigyang-diin ni Pangulong Duterte sa kanilang pulong ni Mahathir ang pangangailangan na matugunan ang terorismo at karahasan sa rehiyong Mindanao.
Binigyang-diin din ng Chief Executive ang transnational crime gaya ng piracy, armed robbery sa karagatan at illegal drug trade.
Ikinatuwa naman ng Pangulo ang patuloy na pagsuporta ni Mahathir para sa laban at pangmatagalang kapayapaan at pagbabago sa Mindanao.
Kapuwa naman binigyang importansiya ng dalawang lider ang pagtutulungan ng dalawang bansa sa aspeto ng bilateral at ASEAN upang matamo ang ibinahaging aspirasyon ng kapayapaan, progeso at kaunlaran sa Pilipinas at Malaysia.
Idagdag pa ang greater stability at security sa rehiyon.
Muling pinagtibay ni Pangulong Duterte ang kanyang commitment na palakasin ang defense at security cooperation sa bilateral at regional level.
Samantala, kapuwa naman pinagtibay nina Pangulong Duterte at Prime Minister Mohamad ang “long-standing brotherhood” at pagkakaibigan ng Pilipinas at Malaysia. (Kris Jose)