TERORISMO AT PAGBIYAHE

TERORISMO AT PAGBIYAHE

December 20, 2022 @ 11:58 AM 1 month ago


NAGSIMULA nang bumiyahe ang mga kababayan natin patungo sa kung saan-saang lugar na may kaugnayan sa Kapaskuhan.

Beri bisi ngayon ang mga sasakyang panlupa, pandagat at panghimpapawid.

May long distance, may short distance.

‘Yung iba, halos walang tulog at inuubos ang panahon sa kalsada gaya ng mga delivery rider.

Pero itong mga sasakyang pampasahero ang gusto nating bigyan ng pansin.

Kapag may disgrasya kasi sa mga ito, maraming tao ang nabibiktima.

Upang maiwasan ang mga disgrasya, may ginagawa ang mga awtoridad para rito gaya ng masinsing inspeksyon sa mga sasakyang gamit.

Tinitingnan ang mga gulong ng mga bus at eroplano kung hindi sasabog, ang mga preno at iba pa.

‘Pag oks na, pinapayagan nang bumiyahe ang mga ito.

At may inspeksyon din sa mga tsuper, piloto at sumasama sa mga biyaheng ibang empleyado.

Kasama sa mga inspeksyon ang pag-drug test sa mga ito upang mabatid kung matino ang pag-iisip ng mga ito kapag nagpapatakbo, nagpapalipad at nagpapalayag ng kanilang gamit na mga sasakyan.

Hindi dapat bumiyahe ang mga ito nang may mga kuwestiyonableng kondisyon at tauhan.

TERORISMO

Ang gusto lang nating kabilang sa matitinding inspeksyon ay ang laban sa terorismo.
Buhay na buhay ang terorismo kahit saan at isang bomba lang, maaari nang sumabog ang isang bus at eroplano o lumubog ang isang barko.

Sa ibang bansa nagaganap ang mga pagpasabog ng mga eroplano na gawa ng mga terorista subalit dapat bantayan pa rin sila sa Pilipinas, lokal man o internasyunal ang biyahe ng mga eroplano.

Ang mga tren at bus natin, biktima na ng terorismo at nakatatakot isiping ang dami ang nadadamay gaya ng 22 namatay at mahigit 100 nasugatan sa Blumentritt bombing noong Disyembre 2000.

Sa Mindanao naman nagaganap ang mga pagsalakay sa mga bus.

Tumulong tayong lahat sa pagbabantay para na rin sa kaligtasan nating lahat.