Terorista patay sa engkwentro, 1 arestado

Terorista patay sa engkwentro, 1 arestado

June 2, 2022 @ 3:12 PM 3 weeks ago


M’LANG, Cotabato- Patay ang isang terorista na miyembro ng Dawlah Islamiyah Maguindanao Group habang nadakip ang kasama nito sa isinagawang operasyon ng militar at pulisya na nauwi sa sagupaan Miyerkules sa probinsyang ito.

Kinilala ang namatay na suspek na si Monir Lintukan habang nadakip ay si Randy Saro alyas Bobong, kapwa kasapi ng DI-Maguindanao Group.

Ayon kay 602nd Brigade Commander Colonel Jovencio Gonzales, naganap ang bakbakan sa Purok 7 Barangay Dungguan M’lang Cotabato.

Sinabi ni Gonzales, naglatag sila ng ng Focused military operation at Joint law enforcement support operation katuwang ang grupo ng 90th Infantry Battalion,34th IB,Ist Scout Ranger Battalion,4 JSOU at PRO-12 laban sa mga terorista sa naturang lugar.

Sa bungad pa lamang ng naturang lugar ang tropa ng pamahalaan ay agad na silang sinalubong ng mga putok ng baril ng teroristang grupo.

Nauwi sa barilan ang operasyon na tumagal ng higit 30-minuto bakbakan sa pangunguna ng teroristang grupo ni Almobin Carmen Sebod alyas Polok ng DI-Maguindanao Group at Omal Kamsa ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Tinamaan si Lintukan at duguan bumulagta kaya mabilis na nagpulasan patakas ang mga kasama nito papasok ng Liguasan Delta Maguindanao, subalit nahuli si Saro.

Nakuha sa pinangyarihan ng engkuwentro ang isang M16 Armalite rifle,bandolier,mga bala,magasin at isang Improvised Explosive Device (IED).

Ang mga suspek ang itinuturong sangkot sa pambobomba sa Aleosan Cotabato , Parang Maguindanao; Koronadal City at Tacurong City, ganun din ang pangingikil at panloloko sa iba’t ibang parte ng Mindanao. Mary Anne Sapico