Teroristang NPA sa Nueva Vizcaya, sumuko

Teroristang NPA sa Nueva Vizcaya, sumuko

June 15, 2022 @ 7:20 PM 2 weeks ago


NUEVA VIZCAYA – Tuluyan ng tinalikuran at kusang sumuko sa mga awtoridad ang dating miyembro ng teroristang New Peoples Army o NPA sa Brgy. Camandag Ambaguio, Nueva Vizcaya.

Ayon kay PCol. Ranser Evasco, Provincial Director ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office o NVPPO ay kinilalang si  alyas “Ka Abner” na dating magsasaka mula sa Sitio Papalang ay nahikayat umano ng isang “Ka Freddie”, miyembro ng makakaliwang grupo na pinamumunuan ng isang “Ka Juancho” noong 1985.

Sinabi ni Ka Abner na binubuo ang kanilang grupo ng halos 60 miyembro na nag-ooperate sa Ifugao at Nueva Vizcaya sa nasabing taon.

Kabilang din siya sa nagtapos ng 1-year combat training sa Barangay Camandag na isa sa mga kailangang gawin nito para maging ganap na miyembro.

Halos dalawang taon sa grupo na sangkot sa iba’t ibang engkwentro sa ilang lugar gaya ng Bolog, Lamut, Ifugao noong January 1986; Pieza, Villaverde, Nueva Vizcaya noong February 1986; Baguingey, Kiangan, Ifugao noong March 1986; at Kiangan Municipal Hall sa Kiangan, Ifugao.

Sa panayam ng REMATE kay PCol. Evasco, malaki ang naging tulong ng anti-insurgency campaign sa ilalim ng mandato ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF- ELCAC) kung saan, marami ang nagbalik-loob sa pamahalaan.

Kasalukuyan ngayon nagsasagawa ng validation at masusing imbestigasyon ang pwersa ng mga kasapi ng Ambaguio Municipal Police Station kasama ang 1st Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company (PMFC); Nueva Vizcaya Provincial Intelligence Unit; Regional Intelligence Unit; at 86 Infantry Battalion, Philippine Army sa pagmumulat kay alyas “Abner” para tuluyan magbalik loob sa pamahalaan at magbagong buhay.

Sa ngayon, ipinasakamay na sa 1st Nueva Vizcaya PMFC ang dating rebelde para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon. Rey Velasco