Terrence kinukuha ng Japan B.League

Terrence kinukuha ng Japan B.League

July 6, 2021 @ 9:05 AM 1 year ago


MANILA, Philippines  – Bago pa man mapansin si Kiefer Ravena ng Japanese B.League ay una nang binigyan si San Miguel star Terrence Romeo nang nakalululang offer para maglaro sa Japan.

Ayon sa source, inoperan umano si Romeo ng kontratang US$2.7 million o P135M sa paglalaro sa loob ng tatlong taon ng isang B.League teams.

Pero tinanggihan umano ni Romeo ang offer kahit pa talagang malaki ang offer ng Japan kaysa sa kinikita nito sa PBA, kung saan ang maximum salary para sa players ay P420,000 ($8,400) a month, pwera pa ang bonuses at iba pang benepisyo.

Base sa offer kay Romeo, kikita umano si Romeo ng tumataginting na kada-buwang kita sa unang taon na P2.5M o ($50K), P3.7M ($75K) sa ikalawang taon at P5M sa ikatlong taon.

Ayon sa source, hindi umano kinagat ni Romeo ang kontrata sa Japan dahil may kontrata pa siya sa San Miguel hanggang sa susunod na taon.

Isa pa umano ay ayaw niyang talikuran si Boss RSA (San Miguel president Ramon S. Ang).

“Yes [the offer was] very attractive, pero iba ‘yung utang na loob,” ayon sa source na nagsabi na gusto ni Romeo na magretiro sa San Miguel organization.

Loyal umano si Romeo kay Ang dahil noong umanong walang gustong kumuha sa kanya ay kinuha siya ni Mr. Ang at inilagay sa San Miguel.

Nalipat si Romeo sa SMB sa trade sa TNT kapalit ni Brian Haruela, David Semerad at isang draft pick matapos hindi makasundo ang organization.

Isa pang source ang nagsabi na tinatanaw ni Romeo na malaking utang na loob ang pagkuha sa kanya ng SMB noong 2019 trade kung saan mapupunta sana siya sa Blackwater.

Bukod sa Japan, nagkaroon din umano si Romeo ng offer na maglaro sa China matapos ang paglalaro ng Gilas Pilipinas sa Jones Cup, FIBA Asia Cup at sa 2016 Olympic qualifiers, ayon sa source.

Maraming fans ang nagsabi na naintindihan nila ang loyalty ni Romeo kay Ang.

“Pag San Miguel, lalo na si Boss RSA ang nag-alaga sa ‘yo, hindi na rin naman malalayo ‘yung offer ng Japan na ‘yun,” ayon sa source.