Tertiary education subsidy, palawakin – Bong Go

Tertiary education subsidy, palawakin – Bong Go

February 24, 2023 @ 3:23 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Suportado ni Senator Christopher “Bong” Go ang Senate Bill No. 1360 na naglalayong palawakin ang saklaw ng tertiary education subsidy (TES) sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Republic Act No. 10931 o Universal Access To Quality Tertiary Education Act.

Ang panukalang batas ay pangunahing iniakda ni Senador Ramon Revilla Jr.

Sa kanyang co-sponsorship speech, binanggit ni Go na ang umiiral na batas, na ipinasa noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ay nagbibigay ng libreng edukasyon sa lahat ng Pilipino, lalo sa mga hindi kayang magbayad para sa mas mataas na edukasyon.

“Last year, an estimated 1.6 million poor Filipino students are in school without the need to pay for tuition and miscellaneous fees because of this beneficial act,” ani Go.

Bagama’t kinikilala ni Go ang tagumpay ng batas na ito, binigyang-diin niya ang pangangailangang ito’y palawakin at gawing mas inklusibo para sa mga estudyanteng may kakayahan sa akademya na gustong mag-aral sa mga pribadong institusyon.

“Sa dami na ng ating natulungan dahil sa batas na ito, hindi tayo dapat tumigil. Kung maaari, i-expand pa natin at gawin nating mas inklusibo sa mga academically competent students na nais mag-aral sa mga pribadong institusyon,” ani Go.

Naniniwala ang senador na ito ay magbibigay sa mga kwalipikadong estudyanteng Filipino ng mas maraming opsyon at pagkakataon para ituloy ang kanilang gustong kurso sa mga institusyong pinakaangkop sa kanilang mga pangangailangan.

“Patuloy tayong maghahanap ng paraan na mabigyan ng suporta ang ating mga estudyante upang hindi matigil ang pag-aaral ng ating mga kabataang Pilipino,” ayon kay Go.

Iginiit ni Go na ang pagpapalawak ng TES ay pakikinabangan sa kabuuan ng bansa.

Sa pamamagitan ng pagtiyak na mas maraming mag-aaral ang makaka-access sa mataas na edukasyon, ang bansa ay makagagawa ng mas sanay at edukadong manggagawa, na maaaring mapalakas ang paglago at pag-unlad ng ekonomiya.

Ang iminungkahing batas ay naglalayong palawigin ang saklaw ng TES sa pamamagitan ng isang sistema ng voucher na nagbibigay-daan sa maraming mag-aaral na makayanang bayaran ang tertiary education at kumpletuhin ang kanilang mga napiling programa.

Ang TES ay nagagamit lamang ng mga mag-aaral na nakatala sa mga unibersidad at kolehiyo ng estado.

Gayunpaman, sa iminungkahing pagpapalawak, mapakikinabangan na rin ang TES ng mga mag-aaral sa pribadong HEI at TVI na nakatutugon sa eligibility criteria.

Bukod dito, itinatakda ng panukalang batas na ang mga benepisyaryo ng TES ay dapat patuloy na makatanggap ng subsidiya hanggang sa makumpleto nila ang kanilang post-secondary technical-vocational course o higher education degree program.

Tinitiyak nito na ang mga mag-aaral ay makatutuon sa kanilang pag-aaral nang hindi nababahala sa pinansiyal na pasanin ng matrikula at iba pang kaugnay na gastusin.

Gayunpaman, ang mga benepisyaryo ay dapat panatilihin ang kanilang mga marka at sumunod sa residency requirement ng kani-kanilang HEI at TVI upang maging seryoso sa kanilang pag-aaral.

Binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng edukasyon ng mga kabataan na kritikal sa pagbibigay sa kanila ng isang mas magandang kinabukasan. RNT