Test flight ng Loakan Airport sa Baguio, matagumpay!

Test flight ng Loakan Airport sa Baguio, matagumpay!

November 29, 2022 @ 8:52 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Philippine Airlines na matagumpay itong nagsagawa ng test flight sa Loakan Airport sa Baguio City bago ang plano nitong pagbubukas ng rutang Cebu – Baguio sa Disyembre 16.

Ang “Flight PR 6230 department Manila para sa test flight sa 10:39 a.m. nitong Nob. 28, ay nag-touch down sa Loakan Airport bandang 11:30 a.m., ayon pa sa abiso ng flag carrier.

Sinabi ng PAL na ang pagbubukas ng ruta ng Baguio ay isang pagpupugay sa simula ng flag carrier dahil unang lumipad ang PAL patungong Baguio mula sa Maynila bilang bagong incorporated airline noong Marso 15, 1941.

“This flight is proof that it’s all systems go for the official opening of PAL’s Cebu – Baguio route,” ani PAL Spokesperson Cielo Villaluna.

Sinabi ng airline na nakikipagtulungan sila sa Department of Transportation, Civil Aviation Authority of the Philippines at lokal na pamahalaan ng Baguio para maisakatuparan ang test flight.

Ang test flight ng PAL papuntang Baguio ay pinamamahalaan nina Captain Anthony Larena, Captain Vincent Almeda, at Cabin Crew team members Dawn Andrade, Sharon Francisco, at Michelle Mariano gamit ang De Havilland Dash 8 -400 New Generation aircraft, sabi ng airline.

Simula Disyembre 16, sinabi ng PAL na ito ay magpapatakbo ng 4 na flight bawat linggo para sa ruta. RNT