Testigo sa drug case ni De Lima nag-sorry; Testimonya binawi

Testigo sa drug case ni De Lima nag-sorry; Testimonya binawi

May 2, 2022 @ 8:15 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Binawi ng dating officer in charge sa Bureau of Corrections na tumestigo laban kay Senator Leila De Lima ang kanyang pahayag, at sinabing pinagbantaan siya ni dating Justice secretary Vitaliano Aguirre na magsinungaling laban sa senador.

Humingi ng paumanhin si Rafael Ragos kay De Lima sa pagtestigo laban sa kanya ant sinabing dapat siyang ipawalang-sala sa drug charges, na dahilan kung bakit siya nakulong simula pa Pebrero 2017.

Sinabi ni Ragos noong 2016 sa Senate hearing na siya ang nag-deliver, kasama si Jovencio Ablen Jr., ng P5 milyon mula sa illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison sa bahay ni De Lima sa Parañaque City noong 2012. 

Inihayag din niya na nagmula ang kickbacks kay Peter Co at iba pang drug lords upang suportahan ang senatorial bid ni De Lima noong 2013.

Mariin naman itong itinanggi ni De Lima, na siyang nagtalaga kay Ragos bilang OIC ng BuCor noong 2012.

Binawi ni Ragos ang kanyang testimonya sa isang affidavit na nilagdaan sa Pasig City noong Abril 30, 2022.

“As far as I know and based on my professional relationship with Sec. De Lima, she is incapable of doing anything illegal, much less engage in the illegal drug trade or accept money from Bilibid inmates. All of my allegations to the contrary in my affidavits and House and court testimonies are all fiction, false, and fabricated,” pahayag niya.

Binawi rin ng self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa ang kanyang mga alegasyon laban sa senador subalit sinabi ng Prosecutor General na hindi ito makaaapekto sa kaso laban sa kanya.

Ikinulong si De Lima, kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng kanyang war on drugs, noong 2017 dahil sa mga alegasyon na bahagi siya ng iligal na drug trade sa loob ng New Bilibid Prison sa kanyang panunungkulan bilang Justice secretary sa ilalim ng administrasyon ni Benigno S. Aquino.RNT/SA