Teves ‘di makauwi sa Pinas, natatakot sa seguridad – legal counsel

Teves ‘di makauwi sa Pinas, natatakot sa seguridad – legal counsel

March 13, 2023 @ 5:20 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng abogado ni Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. nitong Lunes, Marso 13 na hindi pa makauwi sa Pilipinas si Teves dulot ng pangamba nito sa kanyang seguridad.

“So what is preventing Cong. Arnie from returning is basically ‘yung security to his safety,” sinabi ni Atty. Toby Diokno, legal counsel ni Teves, kasabay ng Pandesal Forum.

Sa dokumento mula kay Office of the House Secretary General Reginald Velasco, lumalabas na cleared to travel si Teves patungong Estados Unidos mula Pebrero 28 hanggang Marso 9 para sa isang personal trip.

Matatandaan na noong nakaraang linggo ay sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na si Teves ay umalis na sa US at nagtungo “somewhere in Asia.”

Ayon kay Diokno, ang pangamba ay dulot ng revocation of his license to carry firearms, murder complaints na inihain laban sa kanya sa insidente ng mga pagpatay noong 2019 at ang kabi-kabilang raid na isinagawa sa kanyang mga tirahan.

“He will be secured. Hindi naman siya pababayaan. He will be secured,” ani Remulla sa isang ambush interview.

Noong nakaraang linggo, naghain ng tatlong murder complaints laban kay Teves ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kaugnay ng mga pagpatay noong 2019.

Kasunod nito, nilusob ng CIDG ang mga bahay ni Teves sa Negros Oriental dahil sa mga armas.

“Madaling magsabi[ng] umuwi pero ‘pag alam mo na ayan ang hinaharap sa‘yo at ayan ang pinaghahandaan sa‘yo — not because you do not want to answer for the baseless accusations — but it’s actually more of security,” ani Diokno.

Nauna nang sinabi ng isa pang legal counsel na si Atty. Ferdinand Topacio, na haharapin ni Teves ang alegasyon laban sa kanya.

Noong Huwebes, Marso 9, sinabi ng mga suspek na isang “Cong Teves” ang nasa likod ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Agad namang iginiit ni Teves na hindi siya sangkot, maging ang kanyang kapatid na si dating Bayawan City Mayor Pryde Henry Teves, sa nangyaring pag-atake laban sa gobernador. RNT/JGC