Text messages ng nasawing middleman sa Percy Lapid case, mahalagang ebidensya – DOJ

Text messages ng nasawing middleman sa Percy Lapid case, mahalagang ebidensya – DOJ

October 25, 2022 @ 7:27 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Matibay at mahalagang ebidensya ang “text messages” na ipinakita ng kapatid ni Jun Globa Villamor, ang nasawing “middleman” sa kaso ng pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid.

Ayon kay Justice Sec. Jesus Crispin Remulla, mababasa sa mga “text message” na ipinakita ng kapatid ni Villamor ang mga huling sinabi ng kanyang utol bago masawi.

Itinuturing aniya itong “dying declaration” o alam ng tao na siya ay pwedeng mamatay na kaya nagsasabi o naglalabas ng mga impormasyon.

Ayon kay Remulla, kabilang ito sa mga exception sa “hearsay rule.”

Kaya paliwanag ni Remulla, mahalaga na ebidensya ang text messages na ito, dahil ang kapatid ni Villamor ang may-ari ng cellphone at nakausap ni Villamor bago mamatay.

Dahil dito, sinabi ni Remulla na ipapasuri sa National Bureau of Investigation o NBI ang naturang ebidensya.

Samantala, sinabi ni Remulla na nais nilang bigyan ng “full protection” ang kapatid ni Villamor sa pamamagitan ng Witness Protection Program o WPP.

Gayundin, handang magbigay ng seguridad ang DOJ sa pamilya ni Lapid.

Ayon kay Remulla, kinausap na niya ang kapatid ni Percy na si Roy Mabasa hinggil sa pagbibigay sa kanila ng security protection.

“Actually I called him already that i can give him security protection kung kinakailagan. he hasn’t gone back to me but we can do that, i can arrange for that,” ani Remulla.

Maari aniyang magtalaga ang DOJ sa pamilya ng mga tauhan mula sa NBI.

Inaalok din aniya ng DOJ ang mga tauhan mula sa WPP para magbantay sa pamilya Mabasa.

Una nang ibinunyag ni Roy Mabasa na marami na silang natatangap na mga pananakot sa layunin na hindi na ituloy ang kaso. Teresa Tavares