THE LAST BICOL FRONTIER

THE LAST BICOL FRONTIER

September 7, 2022 @ 8:00 PM 4 weeks ago


MATATAGPUAN sa kanlurang dulo ng Luzon ang Catanduanes na kabilang sa dalawang islang probinsya ng Bicol at itinuturing na Sierra Madre ng Bikolanos bunsod sa makakapal na kagubatang bumabalot sa kabundukan nito.

Ang lalawigang ito kung saan napapaloob ang 1,492.16 kilometro kuwadradong sukat ng kalupaang napapaloob ang dekada nang malalaki at matataas na punongkahoy, na ayon sa ilang makakalikasang grupo, ang dahilan kaya sagana sa malinis na tubig ang mga tagarito.

Ayon sa DENR,kilala ang Catanduanes bilang pangunahing ‘source and sink’ ng oxygen at carbon dioxide sa Kabikolan dahil sa mga dambuhalang punongkahoy nito kaya naman itinuturing itong Last Bicol Frontier.

Prayoridad ng administrasyon ni Governor Joseph Cua at iba’t-ibang sangay ng gobyerno at environmental groups, ang pagbibigay ng proteksyon sa kagubatan laban sa illegal loggers kaya naman bukod sa mga forest ranger na nagbabantay dito, ipinapagamit ng Kapitolyo sa mga otoridad ang modernong ‘drone’ nito upang madaling matukoy ang ilang nagpuputol ng kahoy.

Pangingisda at pagtatanim ng Abaca naman ang pangunahing pinagkakakitaan ng mga residente rito kung saan ang ilang bahagi ng kabundukan ay makikita ang mistulang puno ng saging na hinahabi at dinadala sa Albay at Kamaynilaan upang gawing Barong Tagalog at iba pa.

Ayon sa ilang konserbatibong indibidwal,bukod sa mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa mga iligalista sa kagubatan, ang hindi pagpapahintulot ng anomang uri ng pagmimina rito ang dahilan kung bakit napanatili ng mga tagarito ang kapal ng kagubatang patuloy na dinarayo ng mga turista upang maranasan nila ang kagandahan at lamig sa ilalim ng malalaking punongkahoy.

Tanyag din ang lalawigang ito sa naggagandahang resorts lalo na sa mga baybaying dagat na sa harap mismo ang Karagatang Pasipiko na ayon sa mga mangingisda ay itinuturing na ‘Tuna Highway’ bunsod sa malalaking isdang nakukuha nila rito.

Bagaman, madalas hinahagupit ng malalakas na bagyo ngunit hindi kailanman nabubuwal nito ang mga dambuhalang punong patuloy na nakatayo upang panangga ng mga tagarito sa Bicol laban sa hindi inaasahang pagsalakay ng delubyong naging karaniwang bisita na nila noon pa man.

Anomang puna o reaksyon, i-text sa 09999388537/ o email [email protected]