Hindi talaga mapigilan ng ilang pulis ang tawag ng kamunduhan at dinaraan ito sa mga iligal na paraan.
Ang totoo, hindi mabilang sa daliri ang sumbong ng ating Uzi sa ka-elan ng mga pulis basta sinumpong.
Ang kamanyakan ang isang nakamamantsa sa imahe ng pulisya kaya dapat na umaksyon kaagad ang nakataas upang malinis ang ngalan ng Philippine National Police.
SI KORONEL
Isang Col. Lorenzo Kim Cobre ang inihayag mismo ni Bulacan Provincial Director Chito Bersaluna na kanyang iniimbestigahan matapos ang sumbong ng isang suspek sa droga na ni-rape siya.
Ayon kay Dir. Bersalona, nahaharap sa kasong rape at grave misconduct si Cobre dahil sa pangyayari.
Inilabas umano ng kernel ang babaing detenido sa droga sa kulungan at nagpamasahe at dito na niya kinabayo ang babae.
Ngayon naman, ang babae ang nakalaya makaraan itong magpiyansa.
Sabi ni Dir. Bersaluna, hindi niya kukunsintihin ang ganitong gawain ng pulisya kaya niya agad pinatawag si Cobre sa kanyang opisina upang maimbestigahan.
“Sa korte na lang ako magpapaliwanag,” sabi ni Cobre nang interbyuhin ng media.
HINDI LANG SI COBRE
Magkapatid na nursing student ang dinale naman ng mga pulis sa Metro Manila na nakahuli sa kapatid ng mga ito sa droga.
Natural na gumawa ng paraan ang magkapatid para mailabas sa kulungan ang kanilang kapatid na lalaki.
Pero nasampahan na ng kaso ito kaya hindi pupwedeng basta mapalaya ang suspek.
Ang matindi, nangako ang mga pulis na gagawa sila ng paraan na makalabas sa kulungan ang suspek at basta papayag ang mga ito na makipag-sex.
Bumigay ang magkapatid pero hindi nakalabas sa kulungan ang kanilang utol at matagal na nagpasasa ang mga pulis sa katawan ng magkapatid.
Pawang mga may asawa ang mga pulis ngunit tiniis nila ang kahayupan ng mga pulis hanggang sa maka-gradweyt ang mga ito at maging nurse.
MGA BALO
Masakit mang sabihin, biktima ng ilang taga-Camp Crame ang ilang balo ng kanilang mga kabaro na nagke-claim ng pensyon mula sa namatay o napatay nilang mga asawa.
Akalain mong para mabilis lumakad at ma-release ang claim sa pensyon, eh, nililigawan ng ilan sa mga kaukulang opisina sa Camp Crame ang mga balo.
At hindi ibibigay ang pensyon hangga’t hindi bumibigay sina balo.
Lalong pinupuntirya ng mga manyakis ang mga magaganda at bata pang balo.
May hindi namang bumibigay at ito ang mga matatapang na balo na nag-aplay ring mga pulis kapalit ng kanilang pumanaw na mister.
At karaniwan ding mga pulis sila nakahahanap ng ka-partner.
MAGKAPATID
Nagkakaanak naman ang isang magkapatid sa iisang pulis na ligal na asawa ng ate sa dalawa.
Ni-rape sa motel ang bunsong 16 anyos pa lamang noon makaraang samahan itong mamalengke sa isang palengke sa Maynila.
Siyempre pa, walang lihim na ‘di nabubunyag.
Nag-away ang magkapatid kinalaunan at gustong lumayas si bunso subalit walang mapuntahan na ligtas na lugar.
Lalo’t laging binabantaan ng pulis si bunso na sasaktan o papatayin ito, lalo na kung magsumbong ito sa iba.
Sa kalaunan, ang ate na mapagmahal sa kapatid ang umunawa hanggang sa palipat-lipat na lang ng kwarto kapag sinusumpong ng kati si sarge.
Tanggap na rin ng kamag-anak ng dalawang babae ang sitwasyon at normal nang kung minsan ay sabay na magpabinyag ng mga anak ang mag-ate.
Anong paki ni Father kung iisa ang ama ng kanyang binibinyagan?
THE FLESH IS WEAK
Sabi ni San Pablo, the Spirit is willing but the flesh is weak.
Ang sex o kamunduhan ay mas makapangyarihan kaysa sa paninindigan na huwag haluan ito ng milagro.
Pero hindi dapat na daanin ito sa pwersahan o panlilinlang.
Lalo na sa parte ng mga pulis na huwaran at mukha ng pamahalaan sa serbisyo publiko.
Ang pagkakaalam nating lahat, dinoble ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sahod ng mga pulis para mabuhay nang disente ang kanilang pamilya.
Ayaw niyang makitang nakatira sa mga barong-barong ang mga pulis at gusto niyang makita na may sapat at masustansyang pagkain ang kanyang pamilya at makapag-aral ang mga anak ng mga ito.
Pero ang doble sahod, kahit kailan ay hindi para sa dobleng misis.
Matatandaan natin ang lagi niyang sinasabi, maging sa mga pulis, na kung problema ng mga ito ang kanilang “mga misis”, huwag na siyang kausapin.
Makabuluhan iyon.
Pero bakit nga ba nagpapatuloy ang rape sa mga bilanggo, pagsasamantala sa mga balo at kamanyakan ng ilang pulis? – ULTIMATUM NI ANTIPORDA