Tigil-bayad sa PhilHealth claims kinaalarma ng mga ospital

Tigil-bayad sa PhilHealth claims kinaalarma ng mga ospital

August 22, 2021 @ 12:29 PM 10 months ago


MANILA, Philippines – Ikinaalarma ng Philippine Hospitals Association ang pansamantalang pagtigil sa pagbabayad ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa hospital claims na kasalukuyang iniimbestigahan.

“Naaalarma ang mga ospital sa paglabas ng circular about the temporary suspension at a time na nagrereklamo kami sa matagal na hindi pagbabayad doon sa COVID claims,” sinabi ni PHA president Dr. Jaime Almora sa Dobol B.

“Kami ay natatakot na baka sabihin nilang fraudulent ang mga [COVID-19] claims na ito kaya hindi binbayaran, which is far from the truth.”

Batay sa ulat, bilyong claims pa ang hindi nababayaran ng PhilHealth.

“Kino-connect kasi nila, ng mga ospital namin, itong temporary suspension dito sa maraming claims na hindi pa nababayaran. So anong ibig sabihin? Ayaw magbayad at ang gagawin na rason yung mga fraudulent claims? Masisira kami niyan,” giit pa ni Almora.

Ngunit sa kabila nito, patuloy na tatanggap ng COVID patients ang mga ospital.

Apela ng PHA sa PhilHealth na bigyan ang mga ospital ng “financial risk protection.”

Sinabi naman ni PhilHealth spokesperson Shirley Domingo sa isa pang panayam na matagal nang pinatutupad ng state insurer ang nasabing polisiya.

Giit pa nito na ang nasabing polisiya ay hindi upang ipasara ang mga ospital. RNT/ELM