Tigil-Palengke Day sa Balintawak Market

Tigil-Palengke Day sa Balintawak Market

June 10, 2022 @ 10:11 AM 2 weeks ago


Manila, Philippines-Nagdeklara ng Tigil- Palengke Day ang mga tindero’t tinder sa Balintawak Cloverleaf Market Association kahapon ng umaga para iprotesta ang umano’y hindi maayos na pamamahala ng bagong market administrator sa ilalim ng pamamahala nina Connie Asuncion, Roberto de Guzman at Judge Miguel Asunción.

Dakong alas-7:30 ng umaga nang huminto sa pagtitinda ang mga opisyales at miyembro ng Balintawak Cloverleaf Market Association na nakaapekto nang malaki sa mga mamimili, partikular na ang mga negosyanteng nangunguha ng kanilang paninda.

Isa sa inirereklamo nila ay kahit noong kasagsagan ng pandemic, tatlong ulit na itinaas ang kanilang arawang upa kahit wala man lang pasabi sa kanila.

Isa rin aniya ito sa dahilan kung bakit biglang nagtaasan ang presyo sa Balintawak Market.

Ang Balintawak Cloverleaf Market ang isa sa pinakamalaking palengke sa bansa na kilala rin sa pagiging ‘bagsakan’ ng mga produktong mula sa Baguio, Pangasinan, Batangas at iba pang probinsiya.

Ayon kay Balintawak Cloverleaf Market Association President Miguelito Mangunay, tinangka nilang makipag-usap sa mga may-aring sina Roberto De Guzman at Judge  Miguel Asuncion upang pag-usapan ang samu’t sari nilang karaingan, ngunit hindi ito nangyari.

Sinabi nilang wala rin umanong naipakitang bagong lease of contract sa mga vendor ang mga bagong may-ari.

 

Bukod dito, inirereklamo nila ang pangit na pasilidad, sewerage treatment at iba pang pangangailangan ng mga tindero’t tindera ng palengke.

Nabatid na nasa ilalim ng bagong pamamahala ang Balintawak Market, ngunit wala umanong pakikipag-ugnayan na isinagawa para sa kanila.

Nabatid na ang Balintawak Cloverleaf Market ay iniimbestigahan na rin ng Bureau of Internal Revenue dahil sa kabiguang magbayad ng buwis.

Ang masaklap, ayon pa sa mga nagrereklamo, wala rin umanong Market Permit at Business Permit mula sa pamahalaang lokal ng Quezon City.

Sa isang panayam sa telepono, sinabi ni Quezon City Market Development and Admin head retired Colonel Popoy Lipana na minsan nang nagtangkang mag-apply ng permit ang Balintawak Market, ngunit hindi na ito nangyari.

Nakahanda naman ang pamahalaang lokal na tumulong upang maayos ang problema ng malaking palengke upang hindi na makaapekto ng malaki sa mga vendor at hindi na rin madamay ang mga mamimili, partikular na ang pagtaas ng presyo ng bilihin.

Mahigit sa 1,200 vendors ang sumali sa Tigil Palengke Day at nangakong ipagpapatuloy ito hanggat hindi nakakamit ang kanilang panawagan.

Para sa kanila, ang bagong pamunuan ng palengke ay hindi natutugunan ang kanilang pangangailangan. RNT