TikTok bawal na sa government-issued devices sa US, Canada

TikTok bawal na sa government-issued devices sa US, Canada

March 1, 2023 @ 5:32 PM 4 weeks ago


UNITED STATES – Dalawang bansa na ang nag-anunsyo na ipagbawal ang TikTok sa mga government devices, ito ay ang Estados Unidos at Canada.

Ipinag-utos ng White House sa federal agencies nito ang pag-alis sa kilalang social media application, at binigyan lamang sila ng 30 araw para alisin ito sa kani-kanilang device.

Noong Disyembre ay inaprubahan ng Kongreso ang panukalang ito.

Mayroon namang limited exceptions ang naturang kautusan sa law enforcement, national security at research purposes.

“This guidance is part of the Administration’s ongoing commitment to securing our digital infrastructure and protecting the American people’s security and privacy,” ani Chris DeRusha, federal chief information security officer.

Matatandaan na ginigisa na ng ilang bansa ang TikTok na pagmamay-ari ng Chinese company na ByteDance dahil sa posibilidad ng banta sa seguridad ng mga gumagamit nito dahil posibleng ginagamit din umano ito sa pagpromote ng pro-China views.

Itinanggi naman ng kompanya ang mga pangambang ito at ang ban ay tinawag na “political theater.”

Ayon sa tagapagsalita ng Chinese Foreign Ministry sa briefing nitong Martes, Pebrero 28, sinabi nito na ang Estados Unidos ay “has been overstretching the concept of national security and abusing state power to suppress other countries’ companies.”

Inaasahan na isusulong ng Republicans sa U.S. House of Representatives ang panukala na magbibigay kapangyarihan kay Pangulong Joe Biden na ipagbawal na rin ang TikTok sa buong bansa.

Nauna nang inanunsyo ni Prime Minister Justin Trudeau ng Canada ang TikTok ban sa mga government devices.

“I suspect that as government takes the significant step of telling all federal employees that they can no longer use TikTok on their work phones many Canadians from business to private individuals will reflect on the security of their own data and perhaps make choices,” ani Trudeau.

Ipinagbawal na rin noong nakaraang linggo ng European Commission at EU Council ang ban sa TikTok sa mga staff phones. RNT/JGC