Tiktok priest, ipinagtanggol

Tiktok priest, ipinagtanggol

December 27, 2022 @ 7:47 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Dinipensahan ng Archdiocese of Cebu (AOC) ang isa nilang pari na nag-viral sa social media dahil sa kanyang pagti-Tiktok dance sa isang Simbahan sa Danao City, Cebu.

Ayon kay Msgr. Joseph Tan, tagapagsalita ng AOC, bagamat hindi nila hinihikayat na gawin ito ng mga pari ay iginiit na walang masama sa ginawa ng kanilang pari.

Sa video na ini-upload ng netizen na si Yeng Abinales nitong Disyembre 18, makikita ang isang pari at kaniyang mga sakristan na nagsasayaw sa saliw ng sikat na tugtog na “Ting ting, tang ting” sa harap ng altar.

Umani na ito kahapon, Disyembre 26 ng 13,000 na emoticon reactions pero pinakamarami ang “happy” o natatawa sa higit 7,900 reaksyon, kasunod ang “sad” na may 2,300 reactions, at 1,500 “angry reaction”.

Higit sa 23,000 na rin ang naging shares nito.

Iginiit ni Tan na walang isyu sa insidente maliban sa masasaling ang mga sensitibo o mga konserbatibo pero wala umanong isyu sa moralidad dito kahit na sa harap ng altar ito ginawa.

Isinagawa naman umano ito nang tapos na ang misa at sa intensyon ng karoling para makalikom ng pondo para sa simbahan at kawanggawa

Pero inamin ni Tan na dapat tinanggal muna ng pari ang kaniyang mga “vestments” bago nagsayaw. Jocelyn Tabangcura-Domenden