TikTok user na nasa likod ng ‘kill plot’ vs. Marcos natukoy na ng PNP

TikTok user na nasa likod ng ‘kill plot’ vs. Marcos natukoy na ng PNP

February 2, 2022 @ 1:34 PM 8 months ago


Manila, Philippines – Natukoy na ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang may-ari ng account ng video-sharing app TikTok na nasa likod ng sinasabing assassination plot laban kay presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sinabi ni ACG chief Brig. Gen. Robert Rodriguez na ang username nito ay @ljluna7.

Burado na rin aniya ang naturang TikTok account ngunit nakapag-save naman sila ng ilang post nito.

“The source data however is being preserved to establish the ownership of the account involved. All screenshots of the alleged threatening comments/messages were taken from open sources,” lahad ni Rodriguez.

Kahapon, sinabi ng TikTok na permanente nang naka-ban ang nasabing account sa kanilang platform.

“The promotion of violence has absolutely no place on our platform and the user’s account has been permanently banned.”

Bahagi pa nito, ang TikTok account na @ljluna7 ay public account na sumusuporta sa Kabataan Party List account na may 133 follower.

“It (TikTok) is usually used to relieve one’s stress through dancing, lip-synching, acting, or dubbing. So, before we conclude anything with regards to the online threat, we have to investigate and validate the veracity of the report.”

Paglilinaw pa nito, ang ganitong online activity ay malamang dahil sa paparating na eleksyon. RNT/FGDC