Tiktoker na nagsunog ng P20 bill kinasuhan ng BSP, PNP

Tiktoker na nagsunog ng P20 bill kinasuhan ng BSP, PNP

July 18, 2022 @ 2:15 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nitong Lunes na sinampahan na ng kaukulang kaso ang nag-post ng video sa social media kung saan makikitang sinusunog niya ang P20 bill.

Base kay BSP Strategic Communication and Advocacy Managing Director Antonio “Tony” Lambino II, nakikipag-ugnayan na ang central bank sa Philippine National Police (PNP).

“’Yan po ay bawal. Nag-file ng charges ang BSP at PNP laban dito,” pahayag niya sa Laging Handa public briefing.

“‘Wag lang po natin sadyaing sirain ang ating salapi dahil ‘yan po ang bawal,” dagdag ni Lambino.

Ito ang naging pahayag ng ahensya matapos mag-post ng isang netizen ng isang video sa social media site na Tiktok kung saan makikitang sinusunog ang P20 bill.

Ani BSP Senior Investigation Officer Atty. Mark Fajardo nitong Abril, inalis na ang video matapos punahin ng netizens, at natukoy na umano ang lokasyon ng uploader.

Sa ilalim ng Presidential Decree 247 na nilagdaang ni dating Pangulong Ferdinand Marcos noong 1973, “the defacement, mutilation, tearing, burning, or destruction of central bank notes and coins was made illegal.”

“Kahit sa social media, maaari tayong makapag-commit ng mga ganitong violations. Wala po kayong takas,” sabi ni BSP Quezon City Representative Dickenson Gamalo noong Abril.

“Possession and use of stapled bills, hindi po ‘yan illegal. Dapat tanggapin pa rin ang stapled bills at pwede pa rin pong gamitin sa mga pang araw araw na transaksyon.”

“Igiit na lang natin, sana pangalagaan natin ang ating salapi. Let us take care of our bills and our coins,” patuloy niya. RNT/SA