Tinaguriang “Taong Bangus,” nakapagtapos ng kolehiyo sa Abra

Tinaguriang “Taong Bangus,” nakapagtapos ng kolehiyo sa Abra

June 29, 2018 @ 2:57 PM 4 years ago


 

Abra – Pinatunayan ng isang dalaga sa Abra na hindi siya mapipigilan ng pangungutya ng ibang tao sa pag-abot sa kaniyang mga pangarap.

 

Si Cindy Malangen, 21-anyos,  ay dinapuan ng sakit na harlequin ichthyosis, isang uri ng kundisyon sa balat kung saan nagdudulot ito ng pag-crack ng balat na mistulang nagiging kaliskis.

 

Maging ang kaniyang kapatid na si Wendy Malangen ay dinapuan rin ng ganitong sakit kaya naman sila ay naging tampulan ng tukso at binansagan pang “Taong Bangus.”

 

Ngunit ang lahat ng panunukso na ito sa kanila ay hindi hinayaan ni Cindy na pumigil sa kaniya para makapagtapos ng pag-aaral.

 

Kamakailan lang ay nakapagtapos sa kolehiyo si Cindy sa kursong Bachelor of Science in Civil Engineering.

 

Ayon kay Cindy, ang pagtatampok sa kuwento nila ng kaniyang kapatid sa isang programa noong 2013 ay nakapagbigay sa kanila ng kumpiyansa sa sarili.

 

Katunayan ay nanalo pa bilang kagawad sa Sangguniang Kabataan si Cindy matapos siyang maging aktibo sa kanilang kumunidad.

 

Lubos naman ang saya ni Cindy sa kaniyang narating at naghahanda na siya para sa nalalapit niyang licensure exam.

 

Ang tanging hiling na lamang ni Cindy ay, “Ang wish ko po makapagtrabaho po ako para mapag-aral ko po siya,” sabi niya tungkol sa kapatid niya na si Wendy na tumigil sa pag-aaral para magbigay daan sa pag-aaral niya. (Remate News Team)