Tinanggihang permit to rally ng Bayan sa Batasan, pinarerebyu ni Belmonte

Tinanggihang permit to rally ng Bayan sa Batasan, pinarerebyu ni Belmonte

July 22, 2022 @ 11:33 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ngayong Biyernes na ipinag-utos niya ang muling pagrebyu sa tinanggihang kahilingan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na magsagawa ng rally sa kahabaan ng Batasan Road sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 25.

Huwebes nang ilabas ng  Quezon City Department of Public Order and Safety (DPOS) ang desisyon nitong hindi pagbigyan ang hirit ng Bayan na mag-rally sa kahabaan ng Batasan Road, at sinabing ang lugar ay “is not a freedom park to hold protests.”

“…I have instructed the (QC-DPOS) to carefully review the counter-points that were presented, and to determine if there are any possible accommodations or middle ground that they can agree upon,” ani Belmonte sa isang pahayag.

“The same will also be applied to all rally permits that are currently with the DPOS,” dagdag pa niya.

Si  Belmonte ay kasalukuyang nasa ibang bansa para kumatawan sa lungsod para sa isang summit, kung saan hinihikayat siya ng ilang sektor na makialam hinggil sa pagtanggi sa aplikasyon ng rally permit ng Bayan.

Sa isang liham na may petsang Hulyo 19, sinabi ni QC-DPOS head Elmo San Diego na inirekomenda ng QC Police District (QCPD) ang pagtanggi sa rally permit na inaplayan ng Bayan.

Sinabi ng mga alagad ng batas na ang aktibidad ay “makakaapekto nang malaki sa normal na daloy ng trapiko para sa mga motorista” na dadaan sa Batasan Road o Commonwealth Avenue sa panahon ng kaganapan.

Tugon naman ni Bayan secretary general Renato Reyes Jr., na ang pagtanggi ng permit ay labag sa batas at karapatan sa konstitusyon. RNT