Tindahan kuno, illegal online casino pala buking ng pulisya sa Laguna

Tindahan kuno, illegal online casino pala buking ng pulisya sa Laguna

December 20, 2022 @ 8:04 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sinalakay ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang iligal na online casino sa Biñan City ng Laguna, kung saan ang isa ay nagpanggap na sari-sari store habang ang isa naman ay nagkunwaring repair shop.

Naaresto ng pulisya ang nasa 15 suspek at nasamsam ang mga desktop computer at iba pang kagamitan na ginagamit sa pagpapatakbo ng mga online casino sa sabay-sabay na operasyon.

Walang lisensya o dokumento ang alinman sa tindahan mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na nagpapahintulot sa kanila na magpatakbo bilang mga virtual na establisyimento ng pagsusugal.

“Nakikipag-coordinate tayo sa PAGCOR at alam natin na wala pong kaukulang papel na ma-cover itong dalawang illegal online casino,” ani Laguna PPO Provincial Director Police Colonel Randy Glen Silvio.

“Based sa mga na-arrest natin, kumikita sila ng P3,500 a week. Kung matalo ‘yung isang araw nila ay bibigyan sila ng 50%. So, kung matalo ‘yung isang mananaya ng P1 million, bibigyan sila ng P500,000,” dagdag pa niya.

Kakailanganin lamang ng mga manlalaro na i-click ang mga link na ipinadala ng mga operator para ma-access ang ilegal na online casino, sabi ni Silvio.

“Mayroong master agent at mayroon siyang mga ahente na kung saan naghahanap ng mga manlalaro sa online casino. Mayroong website na pupuntahan at pwede ka na tumaya doon,” paliwanag pa ni Silvio.

Sa bahagi nito, sinabi ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) na ang mga link ay may kaugnayan sa mga text scam na mensahe na kumakalat sa bansa. RNT