Tirador ng e-bike, isinelda sa Malabon

Tirador ng e-bike, isinelda sa Malabon

October 17, 2022 @ 12:03 PM 2 months ago


AMNILA, Philippines- Arestado ang isang lalaki habang nakatakas naman ang kasabwat nito matapos tangayin ang isang e-bike na nakaparada sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang naarestong suspek bilang si Ireneo Morales, 35 ng Capulong Tondo, Manila habang pinaghahanap pa ang kasabwat nito na nakilala lang sa alyas “Cholo Javillonar”.

Sa imbestigasyon ni PCpl Renz Marlon Baniqued, bumisita ang complainant na si Marie Ann Cruz, 40, kasama ng kanyang asawa sa kanilang kaibigan sa Damson St., Brgy. Damapalit kung saan ipinarada nila ang kanilang e-bike sa naturang lugar habang nagkaroon naman sila ng inuman.

Nang pauwi na dakong alas-2:15 ng madaling araw, nadiskubre ng complainant na wala sa kanilang pinagparadahan ang kanilang E-bike na nasa P51,000 ang halaga kaya’t kaagad nilang iniulat ang insidente sa barangay Damapalit at Sub-Station 7.

Inireport din ng complainant ang insidente sa mga tauhan ng Sub-Station 6 na nagsasagawa ng checkpoint sa kahabaan ng C4 Road, Brgy. Tañong sa pangunguna ni PLT Benedicto Zafra hanggang sa makita niya ang suspek na sakay ang kanyang E-bike habang papalapit sa checkpoint at hatak-hatak ng isang motorsiklong walang plaka na minamaneho ni alyas Cholo.

Kaagad naaresto ng mga pulis si Morales nang positibong kilalanin ng complainant ang kanyang E-bike at nakuhanan pa ito ng isang patalim nang kapkapan habang nagawa namang makatakas ni alyas Cholo. Boysan Buenaventura