Tirador ng internet modem, arestado

Tirador ng internet modem, arestado

August 13, 2022 @ 11:57 AM 2 months ago


SAN ISIDRO, Nueva Ecija – Natimbog ng rumespondeng barangay officials ang isang lalaking nagpakilalang empleyado umano ng Converge ICT Solutions company ngunit isa palang kawatan na tumatangay ng mga internet modem, sa Barangay Tabon ng bayang ito, noong Biyernes ng gabi.

Ayon sa San Isidro Police, hinuli ng barangay officials roon ang suspek na nakilalang si Benjo Santos, 47, binata ng Brgy. Pulo ng bayang ito, matapos na itawag ng isang babaeng negosyanteng kostumer ang modus ng suspek.

Nabatid sa pulisya na nagsampa ng reklamo sa kanilang istasyon ang isang Marvin Mercado, 47, territory sales manager ng Converge ICT Solutions Company laban sa suspek na si Santos.

Nakuha kay Santos ang 5-piraso ng Converge internet modem na nagkakahalaga ng P20,034 na kanya umanong ‘pinitik’ sa mga kostumer ng Converge matapos umanong magpakilala na empleyado ng nasabing kumpanya.

Nahaharap sa kasong theft at paglabag sa RA 10515 o Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 2013 ang suspek, na ngayo’y nakapiit sa San Isidro Police detention cell. Ver Sta. Ana