Tirador ng tsokolate, arestado!

Tirador ng tsokolate, arestado!

September 12, 2022 @ 10:50 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Bagsak sa kulungan ang isang lalaki matapos mangulimbat ng mga chocolate sa loob ng isang convenience store sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.

Nahaharap sa kasong Theft ang suspek na kinilala bilang si Ronnel Torremonia, 31, ng Dulong Bronze St., Brgy., Tugatog.

Batay sa report ni PCpl Renz Marlon Baniqued kay Malabon police chief Col. Albert Barot, dakong alas-5:13 ng hapon nang pumasok ang suspek sa isang convenience store na matatagpuan sa kahabaan ng Gov. Pascual Ave., Brgy., Tinajeros.

Kumuha ang suspek ng limang pirasong Toblerone chocolate bar na nasa P735 ang halaga at 15 pirasong Cadbury dairy milk chocolate bar na nasa P2,370 ang halaga subalit, nakita ni Carolina Lacebal, 40, shift supervisor ang kahina-hinalang kilos ni Torrermonia.

Nang lumabas ang suspek, hinabol siya ni Lacebal hanggang sa makorner sa labas at kaagad na humingi ng tulong ang complainant sa mga tauhan ng Sub-Station 2 na nagresulta sa pagkakaaresto kay Torremonia at nabawi sa kanya ang mga naturang chocolates. Boysan Buenaventura