Tirahan, suplay ng kuryente ng mga apektado sa lindol, prayoridad ni PBBM

Tirahan, suplay ng kuryente ng mga apektado sa lindol, prayoridad ni PBBM

October 26, 2022 @ 2:22 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Kaagad na kinalampag at pinakilos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga ahensiya ng pamahalaan hinggil sa naranasang malakas na lindol sa Ilocos Region at iba pang lugar na naapektuhan ng pagyanig.

Sa isang ambush interview sa Manila Hotel, winika ng Pangulo na importanteng kaagad na matugunan ang pangangailangan sa pansamantalang matitirhan ng mga residenteng matinding naapektuhan ng pagyanig.

Sa kasalukuyan kasi aniya ay mga tent ang hinihiling ng mga residente dahil takot pa silang magsibalik sa kani-kanilang mga bahay habang nakararanas pa rin ng aftershocks.

Sa kabilang dako, kanselado naman ang pasok sa Ilocos Sur at Ilocos Norte.

Ang dahilan nito, kailangan munang masiguro na ligtas ang lahat ng istruktura o mga gusali ng paaralan bago pabalikin sa eskwela ang mga bata.

Agad ding ipinababalik ng Pangulo sa Department of Energy ang suplay ng kuryente para makabawas sa hirap ng mga residente at mga ahensiya ng pamahalaan na nagsasagawa ng tulong.

“Nakuha ko yung mga last reports about midnight last night. Ang intensity nung lindol was around 6, malakas lakas. At the epicenter was lower down hindi kagaya ng nasa Abra pero dun na sa amin sa Ilocos Sur, Ilocos Norte. So the schools have closed for the day hangga’t matiyak na ang lahat ng mga school building ay safe para sa mga bata so that was the first concern,” ayon sa Pangulo.

“The other concern right now is to make sure that power has come back. In Ilocos Norte the power has come back, Ilocos Sur the power has come back. I am waiting for the report from Abra but I think parts, the last I heard, the parts of Abra province already have power restored so now we have sent ang hinihingi ng karamihan ay tent and the reason why ayaw nila natatakot silang bumalik sa bahay nila baka mag aftershock tapos mahina na yung bahay baka masaktan sila,” dagdag pa ni Marcos.

Sinabi pa niya na wala naman siyang nakikitang problema sa pagkain dahil nakahanda naman palagi ang DSWD para sa relief operations.

“So we’re all monitoring… we dont have the critical problem when it comes to food and shelter. that is the most important part of the relief that we have provided now for the people affected by the earthquake,” wika pa nito.

Nauna nang nakita sa Twitter post ng Pangulo ang atas niya sa DPWH na inspeksyunin ang mga kalsada at mga gusali para agad na malinis ang mga nakaharang at walang maging hadlang sa paghahatid ng tulong sa mga lugar na naapektuhan ng lindol. Kris Jose