Tirang bakuna pwedeng ibigay sa NPA – Duterte

Tirang bakuna pwedeng ibigay sa NPA – Duterte

January 25, 2022 @ 11:04 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Kumambyo si Pangulong Rodrigo Duterte at sinabing maging ang mga kalaban ng estado na rebeldeng New People’s Army ay bigyan din ng bakuna laban sa COVID-19.

Sa kanyang Talk to the People, Lunes ng gabi ,ay sinabi ng Pangulo na kung may sumobrang bakuna ay ibibigay niya ito sa rebeldeng grupo.

Aniya, uunahin lang muna ang mga mamamayang dapat na mabakunahan partikular ang mga nasa bulubundukin at nasa malalayong lugar at pagkatapos nito ay magbibigay siya ng bakuna sa New Peoples Army.

Ang apela naman ng Pangulo sa NPA ay huwag pigilan at hayaan lang ang mga nais makapag- bakuna na makapunta ng mapayapa sa mga vaccination sites para mabigyan ang mga ito ng kailangang proteksiyon mula sa virus.

Bahagi din ng panawagan ng Punong Ehekutibo sa rebeldeng grupo, sumuko na kaakibat ang pangakong bibigyan niya ang mga ito ng bahay, trabaho at kung walang alam na hanapbuhay ay papatulong sa TESDA.

Mas makabubuti aniya na tapusin na ang labanan at wala naman aniyang nangyayari sa giyera ng pamahalaan at ng NPA na kanya namang itinuturing na kaibigan at nuon pa man ay nakakausap na partikular nuong siya’y alkalde pa lang ng Davao. Kris Jose