Tiwala sa PNP maibabalik ng courtesy resignations – Magalong

Tiwala sa PNP maibabalik ng courtesy resignations – Magalong

January 6, 2023 @ 1:39 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Naniniwala ang dating top Philippine National Police (PNP) official at kasama sa screening committee na si Mayor Benjamin Magalong na makatutulong ang ipinanawagang courtesy resignations sa top-ranking officials ng ahensya upang maibalik ang tiwala ng publiko.

Ani Magalong, ang desisyon ni Abalos ay dumaan sa masinsinang proseso ng konsultasyon.

“Meron na kasi akong prior information eh, kaya hindi ako nabigla na nangyari yan dahil alam ko naman na matindi yung usapin na ginawa at konsultasyon na ginawa ni SILG bago siya nagdesisyon niyan…I believe it was based on proper consultation and intensive, exhaustive, and expensive consultation,” sinabi nito sa panayam ng TeleRadyo.

“Nawawala yung tiwala ng publiko, ng taumbayan sa Philippine National Police at alam mo naman ang Philippine National Police, crucial institution yan eh. Ngayon eh, tinitingnan eh. At kung mawala, eh alam mo, kung mabagal ang action ng gobyerno, at ang leadership, eh mawawalan talaga ng tiwala ng taumbayan,” paliwanag niya.

Dagdag pa, para kay Magalong ay talagang pinag-aralan na mabuti ng DILG ang hakbang na ito na tugon na rin sa nais ng taumbayan na aksyon agad.

“Alam mo minsan ang taumbayan, gusto nila yung aksyon agad, eto ngayon ginawa si SILG, aksyon agad. Pero hind ito knee-jerk reaction, hindi ito whimsical decision, pinag-aralan talaga ito.”

Nitong Huwebes, Enero 5 ay tumugon na si PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. sa panawagan ni Abalos at tutulong sa isasagawang “cleansing” sa police force.

Dagdag pa, marami na ring mga alkalde kabilang na ang Metro Manila Council ang nagpahayag ng suporta sa panawagan na ito ni Abalos na magpasa ng courtesy resignation ang mga high-ranking police.

Sa kabila nito, sinabi naman ng isang mambabatas na maaaring makaapekto sa morale ng PNP ang paghimok sa mga pulis na magpasa ng kani-kanilang courtesy resignations. RNT/JGC