TNVS kapos, Grab may pabonus sa papasok na drivers

TNVS kapos, Grab may pabonus sa papasok na drivers

January 8, 2023 @ 10:28 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Nag-aalok ang Grab Philippines ng cash bonus na P6,000-P10,000 para sa mga bagong drivers upang mapunan ang 4,433 TNVS (transport network vehicle service) slots na bubuksan ng gobyerno para matugunan ang kakulangan sa transportasyon.

Sa isang pahayag, aminado ang Grab na kinulang ito ng mga drivers-partners dahil na rin sa tinatawag nitong “mobility standstill” o isang sitwasyon na walang aktibidad, kaganapan o mobilidad.

Binigyang-diin ng Grab na nang dahil sa pandemya ay may mga drivers-partners ito na nahatakan ng kanilang mga hinuhulugang kotse o hindi kaya’y nag-iba na lang ng kanilang pagkakakitaan o hanapbuhay.

Umaasa naman ang ride-hailing company na ang alok nitong cash bonus ay makakahikayat ng mga bagong drivers-partners na siguradong makatutulong upang mapagserbisyuhan ang lumalaking bilang ng mga pasahero ngayong tuloy-tuloy nang binubuksan ang ekonomiya mula sa mga COVID-19 lockdowns.

Ayon sa Grab, ang isang bagong driver na makikipag-partner dito ay makatatanggap ng P6,000 cash bonus kung ang kanyang sasakyan ay four-seater at P10,000 naman kung ito ay six-seater. Subalit nilinaw sa pahayag na ang insentibo ay para lamang sa mga TNVS license holders na rehistrado sa Grab.

“We are fully committed to providing a much better ride-hailing experience to our passengers as we welcome more driver-partners onto the platform,” ani Ronald Roda, senior director for strategy and operations ng Grab Philippines.

“We are optimistic that these new TNVS slots will truly benefit the many Filipinos who are back on the road on the way to their offices, families and even leisure destinations,” aniya.

Ang cash incentive offer ay idinisenyo ng Grab sakto sa anunsiyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na magbubukas ito ng TNVS slots simula Enero 9. RNT