Tobats tinago sa ari, buking sa airport

Tobats tinago sa ari, buking sa airport

July 29, 2022 @ 2:10 PM 2 weeks ago


LAPU-LAPU CITY- Kulungan ang kinabagsakan ng isang lalaking pasahero sa paliparan ng Mactan-Cebu International Airport (MCIA) matapos makuhanan ng shabu sa kanyang ari nitong Martes.

Kinilala ang nadakip na suspek na si Lito Vincent Obong Junio, 28, taga Calbayog City, Samar.

Ayon sa Aviation Security Unit (AVSEU-7), dumaan si Junio sa body scanner para sa security screening ng lahat ng pasahero sa airport terminal at tumunog ito.

Napansin ng mga tauhan ng Office for Transportation Security ang kahina-hinalang ikinikilos ni Junio kaya pinatanggal lahat ang mga laman sa kanyang bulsa.

Muling dumaan si Junio sa body scanner para sa panghuling pagsusuri sa seguridad at muling tumunog ang alarm.

Dito na masusing sinuri si Junio at pinahubad ang suot nitong mga damit hanggang sa bumulaga sa harapan ng mga security officer ang nakasiksik na shabu sa ari ng suspek.

Nakuha kay Junio ang isang pakete na pinaniniwalaang shabu at dalawang lighter na nakita sa bag na nakasuksok sa kanyang underwear at iba pang drug paraphernalia.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa illegal drugs ang suspek./Mary Anne Sapico