Tolentino: Deklarasyon ng pagkondena sa anti-gov’t groups ilakip sa COCs

Tolentino: Deklarasyon ng pagkondena sa anti-gov’t groups ilakip sa COCs

September 7, 2022 @ 6:00 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Bago umarangkada ang barangay and Sangguniang Kabataan (SK) elections, isinuhestiyon ni Senator Francis Tolentino ang pag-amyenda sa certificates of candidacy (COCs) upang ikondena ang violent organizations o ang mga nagtutulak na pabagsakin ang pamahalaan.

Inihayag ito ni Tolentino sa deliberation ng Commission on Appointments sa ad interim appointment ni Commission on Elections chairman George Garcia.

Tinanong ng senador si Garcia kung posibleng maglaman ang COCs ng deklarasyon na ang kandidato “will not support any organization that advocates violence or unlawful means to achieve its goals and to overthrow the government of the Republic of the Philippines.”

Sang-ayon naman si Garcia sa suhestiyon, at sinabing nakahanay ito sa election laws.

“We will include that,” sabi ng poll chairman.

Nauna nang itinakda ng Comelec ang filing ng COCs mula Oct. 6 hanggang 13.

Sinabi ni Garcia na sisimulan ng poll body ang pag-imprenta sa mga balota sa loob ng dalawang linggo. Tiniyak naman niya na walang masasayang na pondo kapag muling sinuspinde ang local elections.

Magugunitang nabanggit ni Tolentino sa kanyang privilege speech na dapat isiwalat ng government officials kung mayroo silang kapamilya o kaanak na parte ng terrorist groups o organizations na nagtatrabaho upang pabagsakin ang gobbyerno. RNT/SA