Tolentino kumontra sa pagbasura sa sugar importation case

Tolentino kumontra sa pagbasura sa sugar importation case

January 6, 2023 @ 3:36 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Pinaburan ng minorya sa Senado ang desisyon ng Palasyo na absuweltuhin ang apat na opisyal ng Sugar Regulatory Administration (SRA) sa naganap na kahina-hinalang importasyon ng asukal kahit walang kakakulan sa suplay noong nakaraang taon.

Ngunit, kinontra naman ni Senador Francis Tolentino, chairman ng Senate blue ribbon committee ang naturang desisyon sa pagsasabing hindi ito makakaapekto sa resoluyon ng komite hinggil sa kaso na kinasasangkutan ni dating Executive Secretary Atty. Victor Rodriguez na sinibak sa isyu.

Sa magkahiwalay na pahayag, sinabi ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na pumapabor sila ni Senador Risa Hontiveros sa desisyon ng Office of the President.

“We are in agreement. Good that the OP doesn’t mind being on the same side as the senate minority. Good too that the OP is being ‘really objective’ in this case. I am glad for the 4 affected personalities. This [development] will at least give them and their families a chance to repair their image and reputation,” aniya sa text messages sa media.

Kamakailan, ibinasura ng OP ang kaso na isinampa laban kina dating Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian, Sugar Regulatory Administration Administrator Hermenegildo Serafica, at board members Roland Beltran at Aurelio Gerardo Valderrama Jr.

Naunang inimbestigahan ng komite ni Tolentino ang sigalot sa pag-aangkat ng asukal saka inirekomenda na kasuhan ang naturang opisyal sa pagkakasangkot sa anomalya kabilang si Rodriguez na kinontra ng minorya.

Dahil dito, naglabas ng sariling report ang minorya dahil sa paniniwalang kumilos nang maayos ang apat na opisyal at kapos sa factual at legal basis ang rekomendasyon na kasuhan sila.

Sinabi ng minority bloc na hindi lamang si Rodriquez ang dapat sisihin sa isyu.

Ngunit, ayon kay Tolentino, hindi apektado ng naturang desisyon ang natuklasan ng komite kaya’t pinakakasuhan sila sa Ombudsman.

“The clearance given by the OP Usec for Legal Affairs does not affect the 97-page Senate Blue Ribbon Committee Report which was adopted unanimously by the Upper Chamber, in aid of legislation, and following several full-blown public hearings conducted,” ani Tolentino.

Aniya, magkaiba ang isinagawang imbestigasyon ng Palasyo at Senado sa isyu dahil pawang co-equal branch ang magkabilang panig na hindi nagpapakialamanan.

Nag-ugat ang isyu nang pumayag umano ang Palasyo na umangkat ang 300,000 metriko toneladang asukal alinsunod sa ipinalabas na Sugar Order No. 4 na itinanggi ng chief executive. Ernie Reyes