Tolongges, nagpakilalang taga-Manila City Hall, tiklo

Tolongges, nagpakilalang taga-Manila City Hall, tiklo

August 6, 2020 @ 1:24 PM 2 months ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Arestado sa isinagawang entrapment operation ng mga tauhan ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) ang isang 30-anyos na lalaki na nagpapakilalang kawani ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) kung saan ang “modus operandi” nito ay manghingi ng pera sa mga tindahan at sari-sari store upang magkaroon sila ng “business permit” mula sa Manila City Hall.

Kinilala ni SMaRT Chief P/Maj. Rosalino Ibay Jr. ang naarestong suspek na si Richard Narvaez, alyas Richard Mendoza, walang trabaho, ng 318 P. Herrera St., Tondo, Manila makaraang ireklamo ito ng biktimang si Randy Escano, 46, may-asawa, at residente ng Quiricada St. Zone 33, Sta. Cruz, Manila.

Sa imbestigasyon ni S/Sgt. Oscar Vargas Jr., dakong alas-7:10 ng gabi nang isagawa ng operatiba ng SMaRT sa pamumuno Maj. Cicero Pura at kinatawan ng BPLO na si Dindo Quinto ang entrapment operation sa 1360 B Quiricada St., Sta. Cruz na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.

Nauna rito, personal na nagtungo sa tanggapan ng SMaRT ang biktima upang ireklamo ang suspek makaraang magpakilala umano itong kawani ng BPLO kung saan ito na rin ang lumakad ng kanilang “business permit” para sa kanilang maliit na sari-sari store sa halagang P5,200.

Ayon sa biktima, wala umanong naipakitang resibo ang suspek kung saan ay muli itong nanghihingi ng karagdagang P500 dahil kulang umano ang kanilang ibinayad kaya’t dito na sila nagtaka at agad na nila itong ipinagbigay alam sa himpilan ng pulisya ‘yung beripikahin kung lehitimo itong kawani ng Manila City Hall.

Matapos maberika sa pamunuan ng BPLO na hindi nila empleyado si Narvaez ay agad inatasan ni Maj. Ibay na magsagawa ng entrapment laban sa suspek na nagresulta sa pagkakaaresto nito.

Bukod kay Escano, may lumutang pa na complainant sa tanggapan ng SmaRT kung saan nabiktima rin umano ito ng panggagantso ng suspek makaraang hingan din ito ng malaking halaga kapalit ng “business permit” sa kanyang negosyong Tapsilogan sa Sta. Cruz, Maynila.

Sa inisyal na imbestigasyon ng SMaRT, kinakaladkad umano nito o “name dropping” ang pangalan ng hepe ng BPLO na si Dir. Levi Facundo para sa kanyang modus operandi. Bukod kay Facundo, ginagamit din umano nito ang pangalan ni Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) Chief Dennis Viaje kung saan nagpakilala rin ito na tauhan ng nasabing opisyal na ginagamit niya upang makapanloko ng tao lalo na ang mga nais tumubos ng kanilang nahuling lisensya.

Nagpapakilala rin umano ang suspek na kamag-anak ng isang Justice Narvaez at nagpakilala rin umano itong anak ni “General Sukat” ng Department of Engineering and Public Works (DEPW) na nakilala sa social media sa ginagawa nitong paglilinis laban sa mga “obstruction” sa Maynila.

Ayon kay Maj. Ibay, maaaring magtungo sa kanilang tanggapan ang sinomang nabiktima ng naarestong suspek upang makapaghain ng karagdagang reklamo laban dito.

Sinampahan ng patung-patong na kaso ang naarestong suspek dahil sa paglabag nito sa Art. 293 (Robbery Extortion), Art. 286 (Grave Coercion), RA 9485 (Anti-Red Tape Act of 2007) at Art. 177 (Usurpation of Authority) sa City Prosecutors Office ng Maynila. Jay Reyes 


  •  
  •  
  •  

Loading...