Tondo District, may pinakamataas na aktibong COVID case sa Maynila

Tondo District, may pinakamataas na aktibong COVID case sa Maynila

July 12, 2020 @ 4:21 PM 2 months ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Nangunguna pa rin sa pinakamaraming aktibong kaso ng COVID-19 ang Distrito I sa Tondo, Maynila kung saan umaabot na ito sa 469 batay sa pinakahuling datos ng Manila Health Department (MHD).

Batay sa datos ng MHD, ang Dist. 1 ang may pinakamataas na bilang ng COVID-19 “active cases” na sinundan naman ng Tondo Dist.2 na may 204.

Sa pinakahuling datos nitong Hulyo 10, nakapagtala ang MHD ng 120 bagong aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Maynila na may kabuuang bilang na 1,387 habang umabot naman sa 153 ang naitala sa panibagong “suspected case” na may kabuuang bilang na 450.

Nasa 159 naman ang naitalang “recoveries” o gumaling sa sakit na COVID at may kabuuan na itong bilang na 1,691 habang umabot naman sa 5 ang nasawi at may kabuuang bilang na ito na 170 sa nasabing sakit.

Sa kabuuang bilang naman ng naitalang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod ay umabot na ito sa 3,248 kung saan batay sa mga naitalang datos ay nasa 50% na ang naitalang gumaling sa nasabing sakit.

Paalala naman ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamumuno ni Mayor Isko Moreno Domagoso na magdoble ingat dahil nasa paligid lang natin at hindi nakikita ang sakit na COVID.

Panatilihin aniya ang ipinapatupad na health protocol tulad ng palagiang paghugas ng kamay, pagsuot ng face mask at ang physical distancing.

Bawal pa rin aniya ang paglabas ng bahay ng mga 20-anyos pababa gayundin ang 60-anyos pataas kung wala naman umanong mahalagang gagawin.

Matatandaan na nito lamang nakaraang lunes ay nagpalabas ng kautusan si Domagoso sa pamunuan ng Manila Police District at lahat ng opisyal ng barangay na lalo pang paigtingin ang pagpapatupad ng umiiral na general community quarantine protocols at mga ordinansa upang makontrol ang pagkalat ng COVID-19 sa lungsod.    Jay Reyes


  •  
  •  
  •  

Loading...