Top 1 most wanted, 1 pa, arestado sa P631K droga, baril at granada sa Navotas

Top 1 most wanted, 1 pa, arestado sa P631K droga, baril at granada sa Navotas

August 19, 2022 @ 1:42 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Swak sa selda ang dalawang tulak ng ilegal na droga, kabilang ang isang top 1 most wanted at miyembro ng “Legaspi Drug Group” matapos makuhanan ng mahigit P.6 milyon halaga ng ilegal na droga, baril at granada sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang naarestong mga suspek bilang sina Roberto Huelba alyas “Kevin Huelba/Mucho”, 25, top 1 MWP at miyembro ng “Legaspi Drug Group”, at Jaymee Dionisio, 42, (pusher/listed) at kapwa residente ng lungsod.

Sa report ni Col. Ollaging kay Northern Police District (NPD) acting Director P/Col. Ponce Peñones Jr, dakong alas-12:20 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), kasama ang TMRU, SWAT, Sub-Station 2 at Intelligence Section ng buy bust operation sa Judge Roldan, Brgy. San Roque kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng P5,000 halaga ng marijuana.

Matapos tanggapin ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng transparent plastic cling wrapped ng marijuana ay agad sinunggaban ng mga operatiba ang mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigit-kumulang 4,300 gramo ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na may standard drug price P516,000, nasa 17 gramo ng hinihinalang shabu na nasa P115,600 ang halaga, buy-bust money na isang tunay na P1,000 at 4 pirasong P1,000 boodle money, cellphone at digital weighing scale, sling bag, habang nakuha pa kay Huelba ang isang cal. 38 revolver na may apat na bala at isang Granada.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang karagdagang kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive law on firearms and Ammunations) at RA 9516 (Illegal/Unlawful Possession of Explosives) ang kakaharapin ni Huelba. Boysan Buenaventura