Top cops na ‘di nagpasa ng courtesy resignation, bubusisiin pa rin

Top cops na ‘di nagpasa ng courtesy resignation, bubusisiin pa rin

January 23, 2023 @ 1:39 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Bubusisiin pa rin ng Philippine National Police (PNP) ang mga opisyal nilang hindi nagpasa ng courtesy resignation sa kabila ng panawagan ni Interior Secretary Benhur Abalos na gawin ito bilang bahagi ng internal cleansing sa ahensya.

Ipinunto ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. nitong Lunes, Enero 23 na hanggang nitong Enero 20, 11 pa sa 953 top police officials partikular na ang walong colonel at tatlong heneral, ang hinihintay pang magpasa ng kani-kanilang courtesy resignation.

Patuloy na silang nakikipag-ugnayan sa 11 mga opisyal, bagama’t pito sa mga ito ay nakatakda nang magretiro ngayong unang bahagi ng 2023.

“Siguro, they are still trying to discern na ‘mag-submit pa ba ako, eh aabutan naman ako ng retirement?’ But to us, we also still encourage na mag-submit lang kayo para at least, kahit papaano, totally ma-clear kayo kung ano man iyong kahihinatnan nitong evaluation and review ng individual na involvement ng lahat sa illegal drugs,” pahayag ni Azurin.

Nang tanungin naman kung susuriin din ba ang high-ranking PNP officials na hindi magbibitiw sa pwesto kung sila ay may kaugnayan sa illegal na droga, ang tugon niya:

“Definitely, titingnan ng PNP. Of course, hindi sila nag-submit [ng courtesy resignation], syempre walang record. PNP na ang mag-aaral kung may mga indicator na sila ay na-involve sa illegal drug activities during their incumbency as third-level officers.”

Maliban dito, maging ang mga opisyal ng PNP na magreretiro na ay sumasailalim din sa evaluation bago matanggap ang kanilang benepisyo at pensyon.

“Kapag sila’y nakasuhan and nagkaroon ng evidence na sila’y involved then, the court will have the power to hold iyong mga pension nila at benefits nila,” dagdag pa ni Azurin.

Patuloy na binubusisi ng binuong five-member panel kabilang si Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang mga opisyal ng PNP na nagpasa ng kani-kanilang courtesy resignation sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan. RNT/JGC