Topacio sa pag-uugnay kay Teves sa Degamo slay, ‘No direct evidence’

Topacio sa pag-uugnay kay Teves sa Degamo slay, ‘No direct evidence’

March 17, 2023 @ 10:28 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Pinabulaanan ng abogado ni Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. nitong Biyernes, Marso 17, ang pagkakaugnay nito sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo matapos ikanta ng mga naarestong suspek na ang nasa likod nito ay isang “Cong Teves.”

“Hearsay po ito. Wala pong nagsasabing nakausap nila si Congressman Teves at ito po ay nag-utos na ipapatay si Governor Degamo,” sinabi ni Atty. Ferdinand Topacio sa panayam ng GMA News.

Ipinunto ni Topacio na walang direktang ebidensya na nagdidiin kay Teves, na sa kasalukuyan ay wala sa bansa at nasa extended leave mula sa House of Representatives.

“Wala naman pong direct evidence. Ito pong sinasabi nilang nagtuturo kay Congressman Teves, ang sabi niya, ayon sa kanyang ambush interview, may kausap daw siyang isang Marvin. At sabi raw nitong Marvin na diumano’y middleman doon sa mga guns for fire ay ang nagpautos nito ay isang Congressman Teves,” dagdag niya.

Matatandaan na sinabi ni Joric Labrador, isa sa mga inarestong suspek sa pagpatay kay Degamo, na isang “Marvin” ang nagrecruit sa kanila para isagawa ang assassination.

Sinabi pa niya na sinabihan sila ni Marvin na ang kautusang ito ay nagmula sa isang “Cong Teves.”

Nang tanungin naman kung kilala ni Teves si “Marvin”, sagot ni Topacio, imposibleng walang kilalang Marvin ang mambabatas dahil pangkaraniwan itong pangalan.

Nauna nang itinanggi ni Teves ang kaugnayan nito sa pagpatay kay Degamo at sinabing hindi sila makikinabang kung gagawin nila ito.

Kilala ang mga Teves at Degamo na mahigpit na magkalaban sa politika sa Negros Oriental.

Samantala, nanawagan naman si Topacio sa mga awtoridad na tingnan ang iba pang posibleng anggulo sa pagpatay kay Degamo at nakiusap na huwag lamang tumutok sa iisang tao.

“Marami pong anggulo ang isang istorya, hindi lamang po isa, kaya huwag po tayong ma-fixate sa isang tao lamang and let us follow all leads,” aniya.

Nang tanungin naman kung nasa US pa ba si Teves o nasa Asya na gaya ng sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla, sinabi ni Topacio na ang impormasyon kaugnay nito ay confidential.

Aniya, alam ni Speaker Martin Romualdez ang kasalukuyang lokasyon ni Teves.

“Isa po ‘yan sa mga pinag-usapan namin ni Speaker Romualdez noong makalawa noong kami ay mag-usap. Alam naman po nila kung nasaan,” sinabi pa ni Topacio.

“Pero ang gentleman’s agreement namin ni Speaker Romualdez ay lahat po ng bagay na napag-usapan namin tungkol kay Congressman Teves ay confidential po,” dagdag niya. RNT/JGC