Total deployment ban sa Kuwait, isinusulong ni Tulfo

Total deployment ban sa Kuwait, isinusulong ni Tulfo

January 28, 2023 @ 5:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inihirit ni Sen. Raffy Tulfo, chair ng Committee on Migrant Workers sa Senado ang total deployment ban sa Kuwait kasunod ng pagpatay sa OFW na si Jullebee Ranara.

“After the deployment ban, we can sit down with them sa bilateral talks. Pero on our terms. Meron tayong mga conditions na ibibigay sa kanila kung gusto ng ating OFWs,” pahayag ni Tulfo nitong Biyernes ng gabi.

“You want to talk to us, total deployment ban. ‘Pag may pinanghawakan tayo, pag na-issue, then let’s talk on our terms,” dagdag niya.

Inamin ng senador na hindi maiiwasan ang “consequences”. Sugalit binigyang-diin na dapat magkaroong ng “very strong message”, para sagipin ang overseas Filipino workers mula sa paghihirap kagaya ng nangyari kay Ranara.

Natagpuang patay si Ranara nitong nakaraang weekend, na sunog ang katawan, sa isang desyerto. Naaresto naman ng mga awtoridad sa Kuwait ang anak ng employer ni Ranara.

“Maapektuhan yung OFWs na pauwi, na baka di makabalik. Pero isipin natin na paulit-ulit nila ginagawa ‘to. Of course, there should be a compromise, alang-alang sa kababayan natin. Madami tayo kababayan na inabuso at pinatay at kababuyan na ginawa pa ng employers,” sabi ni Tulfo sa kanyang proposed deployment ban sa Kuwait.

Patuloy niya: “Hindi tayo pwede maglambot-lambot dito. I don’t want to show weakness. We need to show strength. Ginago mo kami at may balik. Ang balik, total deployment ban. Kasi they need us. Kailangan nila tayo. Itong Kuwait government, agad-agad nakipag-usap tayo, ano pwede gawin nila to appease us.”

Inihayag naman ni Department of Migrant Workers Secretary Toots Ople nitong Martes na ikakasa ng pamahalaan ang “additional safeguards” sa halip na pagsuspinde sa deployment ng mga manggagawa sa Kuwait.

Halos 100,220 Pilipino ang nagtatrabaho sa Kuwait noong nakaraang taon. Hindi bababa sa 47,000 o halos 68 porsyento sa bilang na ito ang household workers, ayon sa DMW data. 

Gayundin, inirekomenda ni Tulfo ang mas mahigpit na screening process para sa employers.

“Unang una, matagal ko sinasabi, bago ma-deploy ang ating OFW Sa mga bansa tulad ng Kuwait, katakot-takot ang mga ginagawa. Police clearance, NBI clearance. Pero sa employer, wala guarantee na itong employer ay malinis at matino. Mentally stable sila dapat. Mga employer, well-screened din,” aniya.

“Dapat magpakita ng patunay na malinis record. May police record. Gusto ko din suggest, lahat ng employers sa high-risk country, may document sa neuro psychiatric exam.”

“Not only that, all members of the household… To make sure karapat dapat sila magkaroon ng OFW sa house nila.”

“In fairness sa dalawang amo, mag-asawa, mabait. Yung loko-loko, yung 17 years old na lalake at 4 years old na bata na binabastos pala lagi si Jullebee. Hinahagisan ng dumi, kung ano pang klaseng maltrato at pambabastos,” ayon pa kay Tulfo.

Base sa senador, kung naging tapat lang umano ang kompanya, hindi sana nangyari ang krimen.

“Isa sa naging problema natin kung bakit pa ulit-ulit, kulang tayo sa monitoring… ‘Pag na-deploy OFW sa lugar, pinapabayaan na sila kasi nabayaran na sila. Tapos na. Pinapabayaan na po ng agency. Dapat may constant monitoring on a regular basis, tinitingnan kalagayan ng ating OFWs,” ani Tulfo.

“May kalalagyan ang agency, kahit ‘di nagsumbong, dahil kapapabayaan pa din. Dahil hindi nila na-monitor si Jullebee. Kung may proper monitoring kasi once or twice a month, hindi sana nangyari ‘to,” dagdag niya.

Patuloy niya: “Kasi pupunta, kakausapin nila — Kamusta? .’Di nakapagsabi (na), ‘Hirap na ako dahil itong 17 years old lagi ako hina-harass at tinututukan ng ice pick. Itong 4 years old, hinahagisan ako ng dumi.’ Pagkasabi sa recruitment dun, ‘di pwede agad pullout. Dalhin agad sa shelter.” 

Binigyang-diin di ni Tulfo ang kahalagahan ng paggarantiya ng recruitment agencies na mahigpit na masusunod ang kontrata.

“Isa pa, kadalasan sa Kuwait, Middle East, hindi nasusunod (ang) kontrata. Halimbawa, bago umalis (ang) OFW, ‘dalawang bata alagaan, bungalow (ang bahay ng employer). Pero pagdating sa lugar, sampu (ang bata), tapos up-and-down ang bahay na nililinisan. Tapos 15 hours trabaho, konti na lang oras sa tulog,” sabi niya.

“Kaya titingnan ko kay Jullebee kung nasunod ang kontrata. ‘Pag hindi nakasunod, tatamaan ng lintik ang agency,” babala pa niya.

Bukod dito, sinabi ng senador na dapat mag-demand ng bansa ng public apology mula sa Kuwait government.

“Sa ngayon, nag-apologize through a letter sa family and nag-issue ng condolences… Pero kulang ‘yan. Public apology para sa mga Pilipino. They should issue that statement. Alanganin daw ‘ata, pero titingnan. Sabi ko, failure to do so, mag-deployment ban talaga,” paglalahad niya.

“Isa pa sa napapansin ko tuwing Ramadan, may OFWs hindi natitiis gutom. Hindi sanay sa fasting. Pagod na sa trabaho, overworked, ta’s ‘di pa papakainin. Nirerespeto natin ang kanilang relihiyon. Dapat relihiyon din natin, respetuhin nila. Kung mag-fast sila, go ahead. Pero dapat, pakainin OFW. Siguro, separate, sa kwarto,” patuloy ng mambabatas.

“Pagod na nga, overworked at puyat, ‘di pa papakainin. Ginagawa ng OFW, umaalis na lang. ‘Pag lumayas, ta’s nahuli, gagawa ng storya at ikukulong. There are so many things kailangan pag-aralan.”

Sinabi ni Tulfo na makikipagtulungan siya sa ibang government bodies para tiyakin ang kapakanan ng OFWs.

“Gagawa tayo (ng) policies. Pag-iisipan natin mabuti. Kung noon nangyari ganitong insidente, may policies tayo nagawa— but not good enough. This time, pag-aralan natin mabuti lahat ng stakeholders. Let’s get them involved para mabigyan protection lahat ng OFWs,” ayon sa kanya.

“If necessary, I’d be more than happy to talk to the president para kunan siya ng input sa sitwasyon. More importantly for me, agad-agad pag-isipan ko at kasamahan ko sa Senado kung ano hakbang pwede gawin sa bilateral talk para ‘di maulit. Pag-uusapan namin safety and security ng OFWs.”

Dumating na ang mga labi ni Ranara sa Pair-Pags Center sa Paranaque City lampas alas-9:30 ng gabi nitong Biyernes.

Sinabi ni Tulfo na nakatanggap ng financial aid ang pamilya ni Ranara mula sa pamahalaan at mula mismo sa kanya.

“May matanggap na insurance ang pamilya. P800,000-plus. May bigay din OWWA na P200,000. Madami tulong, kahit papano. But that’s not enough. For me, it’s the justice dapat makuha ng family. Nangako ako, magbibigay ako ng scholarship sa dalawang anak ni Jullebee. Bread winner pala ito,” wika ni Tulfo.

“Kahit makipag-areglo ang pamilya ng biktima, para sa’kin, dapat i-pursue ng government (ang) pagsampa ng kaso para makulong, makuha (ang) hustisya ng OFW. Government siguro mag-push,” dagdag niya.

Ipinangako naman ni Overseas Workers Welfare Administration chief Arnell Ignacio na pagsisikapan nila na mabigyang-hustisya ang pamilya ni Ranara.

“Kung sino talaga ang may pananagutan, talagang pasasagutin natin. Very cooperative ang government ng Kuwait. Kinilusan agad. Huli na perpetrator of the crime,” ani Ignacio.

“Walang nangyari na mabagal. Kita niyo, in a span of a week, nauwi na yung bangkay ni Jullebee,” sabi pa niya.

Inilipat ang bangkay ni Ranara sa isang funeral home. Ayon kay Ignacio, magsasagawa ang NBI ng autopsy. RNT/SA