Totoy tigok sa napulot na paputok

Totoy tigok sa napulot na paputok

January 5, 2023 @ 9:15 AM 3 weeks ago


PANGASINAN- MAAGANG binawian ng buhay ang 9-anyos na batang lalaki habang sugatan apat nitong kaibigan matapos sumabog ang mga napulot nilang paputok na pumalyang putok sa pagsalubong ng Bagong Taon, iniulat kahapon sa bayan ng Mangaldan.

Kinilala ang namatay na si King Emanuel Castillo, habang patuloy naman ginagamot sa Region 1 Medical Center, Dagupan City ang mga sugatan na sina Arden James Revilla, 13, John Rey De Guzman, 13 anyos, Joshua Bautista, 13, at Kendrick Dela Cruz, 15, lahat ay residente sa Barangay Guiguilonen, Mangaldan.

Ayon kay PLt. Charisse Pacheco, ng Womens and Children Protection Desk (WCPD) Mangaldan PNP, nagkakayayaan ang magkakaibigan na mamulot ng mga kwitis na hindi pumutok at inilagay nila ito sa lata ng pineapple juice.

Ilang minuto ang makalipas bigla na lamang sumabog ang mga putok at sa lakas ng pagsabog nagtamo ng matinding pinsala sa katawan si Castillo na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Nagpaalala naman ang pulisya sa mga magulang na bantayan nilang mabuti ang kanilang mga anak para makaiwas sa disgrasya./Mary Anne Sapico