Trabaho sa Kongreso, tuloy pa ‘rin kahit nakabakasyon na

Trabaho sa Kongreso, tuloy pa ‘rin kahit nakabakasyon na

September 29, 2022 @ 4:51 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Magpapatuloy ang mga trabaho ng mga kongresista at mga pagdinig kahit naka-recess ang Kongreso mula Oktubre 1 hanggang Nobyembre 6, 2022.

Ito ay matapos mag-mosyon sa plenaryo si House Deputy Majority Leader Janet Garin na payagan pa rin ang komite na makapagsagawa ng mga pagdinig at imbestigasyon sa gitna na naka-bakasyon ang Kongreso.

“I move that we authorize all committees to conduct meetings and/ or public hearing, if deemed necessary, during the House recess from September 29, 2022.”

Matapos na aprubahan ang House Bill 4488 o ang General Appropriations Bill na P5.268 trilyon para sa 2023 sa pamamagitan ng botong 289 at tatlo lamang ang tutol ay naipasa na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang badyet para sa susunod na taon.

Sinabi ni Garin na pumayag at nagbigay na ng direktiba sina House Speaker Martin Romualdez at House Majority Leader Mannix Dalipe sa liderato ng Kamara na makapagdaos ng mga committee hearings at meeting kung kinakailangan upang masiguro na magiging mabilis ang paghimay at proseso sa mga panukalang batas na dapat ng ipasa lalo pa at nauugnay ito sa pagbangon ng ekonomiya.

Bago ang adjournement ay nagpasalamat si Romualdez sa mga kasamahang kongresista sa agarang pagpapasa ng badyet matapos itong sertipikahang “urgent” ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“The expeditious passage of the proposed 2023 budget is the product of the collective effort of the entire House, in transparent and open proceedings where the majority accorded ample opportunity for the constructive inputs of our friends from the minority bloc,” sinabi ni Romualdez.

Binigyang diin pa ni Romualdez na ang pagkaka-apruba sa panukala ay nangangahulugang nakatugon ang mga mambabatas sa itinakdang “self-imposed deadline” na ito na ipapasa bago ang adjournment ng sesyon mula Oktubre 1 hanggang sa Nobyembre 6.

Anim na linggo o mahigit isang buwan ang ginugol ng mga kongresista upang himayin at pagdebatihan ang GAB mula nang isumite ng Department of Budget and Management (DBM) ang National Expenditure Program (NEP) noong Agosto 22.

Pinasalamatan din ni Romualdez ang mga kongresistang nanguna upang matiyak na maipapasa ng Kamara ang GAB sa takdang panahon gaya nina House Majority Leader at Rules Committee chair Manuel Jose M. Dalipe, Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, chairman ng House Committee on Appropriations, at Senior Vice Chairperson ng House Committee on appropriations at Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo.

Ang GAB para sa 2023 na P5.268 trilyon ay mas mataas ng 4.9% kumpara ngayong taon kung saan nananatili na ang may pinakamalaking alokasyon ay ang edukasyon, infrastructure development, health, agriculture at social safety nets. Meliza Maluntag